Huwebes, Marso 10, 2022

Sa pag-ihi

SA PAG-IHI

bakit ka iihi sa kalsada
lalo sa kahabaan ng EDSA
aba'y di mo na talaga kaya?
at nasa pantog mo'y lalabas na?

pinaskil: "Bawal Umihi Dito"
nilagay sa daanan ng tao
huwag umihi saan mo gusto
ito'y paalala namang wasto

pag namultahan, aba'y magastos
kaya paskil ay sundin mong lubos
parang sinabing "Huwag kang bastos"
sa trapong laos, dapat makutos

sa magkabila'y huwag umihi
pantog man ay nanggagalaiti
humanap ng C.R., magmadali
lagi nating habaan ang pisi

kaya ihi'y talagang tiisin
kaysa naman tayo'y pagmultahin
ng kung sinong nais kumita rin
kaya saan may C.R., alamin

halina't umihi lang sa tama
nang di maabala ng kuhila
o buwitreng animo'y tumama
sa lotto pag multahan kang bigla

- gregoriovbituinjr.
03.10.2022
* litratong kuha ng makatang gala sa isang bangketa sa EDSA

Salot na kontraktwalisasyon ay iskemang linta

SALOT NA KONTRAKTWALISASYON AY ISKEMANG LINTA

tunay na salot sa manggagawa
ang kontraktwalisasyong malubha
walang seguridad sa paggawa
benepisyo ng obrero'y wala

kontrata'y apat o limang buwan
di paabuting anim na buwan
sa kapitalista nga'y paraang
di maregular sa pagawaan

kontraktwalisasyon ay iskemang
inimbento ng kapitalista
manpower agencies, likha nila
upang magsamantala talaga

upang karapatan sa paggawa
ay maikutan nila't madaya
iskema itong kasumpa-sumpa
para sa tubo, iskemang linta

dugo't pawis ng obrero'y dilig
sa pagawaan, sakal sa leeg
obrero, kayo'y magkapitbisig
upang iskemang ito'y malupig

laway lang ang puhunan, pera na
manpower agencies ay kaysaya
walang gawa, bundat pa ang bulsa
lintang tunay sa sahod ng masa

durugin ang kontraktwalisasyon
wasakin na ang salot na iyon
sa manggagawa, ito ang misyon
kung nais na sila'y makaahon

kaya manggagawang kandidato
natin sa halalan ay iboto
pag sila'y ating naipanalo
salot ay bubuwaging totoo

- gregoriovbituinjr.
03.10.2022

Di kapayapaan ng libingan

DI KAPAYAPAAN NG LIBINGAN

aking nais na kapayapaan
yaong may hustisyang panlipunan
di katahimikan ng libingan
kundi payapang makatarungan

ayokong kaya ka nanahimik
upang di lang marinig ang hibik
gayong loob ay naghihimagsik
sa inhustisyang sa puso'y tinik

tumahimik lang dahil sa takot
katahimikang pulos bangungot
pagkat karapatan ay nilagot
ng mga trapo't burgesyang buktot

kapayapaang dapat malinaw
sa puso, isipan, diwa, ikaw
hustisyang panlipunan ay litaw
ang karapatang pantao'y tanaw

kaya kapayapaang ayoko
ay yaong kagaya'y sementeryo
na di kapayapaang totoo
kundi bunsod ng mga abuso

yaong nais kong kapayapaan
ay ang may hustisyang panlipunan
di katahimikan ng libingan
kundi payapang makatarungan

- gregoriovbituinjr.
03.09.2022

Pag-aabang

PAG-AABANG

nakatitig sa kung saan
nag-aabang ng hapunan
mapawi ang kagutuman
ng nilalang sa nilalang

"Para kayong aso't pusa!"
at di parang pusa't daga
anang inang ang bunganga
ay tila rapido't sigwa

napapatitig ng saglit
pag lumitaw ang bubuwit
dadakmain ang mabait
lalo't tiyan nag-iinit

di siya magbabantulot
na dakmain ang kikislot
doon siya humuhugot
ng lakas sa pangangalmot

abang ng pusa'y pagkain
baka lumitaw sa dilim
nang malunok ang panimdim
na sinasaklot ng lihim

- gregoriovbituinjr.
03.10.2022