KALMA LANG
"Kalmado" ang tatak ng nabili kong sando
na isinuot ko ngayong araw ng Linggo
wala lang, nagustuhan lang isuot ito
lalo't pakiramdam ko ngayon ay "Kalmado"
tara, katoto ko, tayo muna'y magkape
saglit akong samahan habang nagmumuni
at iniisip ang mga wastong diskarte
kung paanong sa masa'y magsilbing mabuti
kumbaga sa chess player, dapat ay kalma lang
kongkretong magsuri sa bawat kalagayan
"every move maybe your last" ay dapat malaman
"blunders may kill" ayon sa isang kasabihan
kaya kalma ka lang sakaling nagagalit
huwag magpadalus-dalos kung nagigipit
gagawin mo'y pakaisiping ilang ulit
lalo't buhay o liyag ang maging kapalit
- gregoriovbituinjr.
08.11.2024