Miyerkules, Oktubre 15, 2025

Basura, linisin!

BASURA, LINISIN!

"Basura, linisin! Mga korap, tanggalin!"
panawagan nila'y panawagan din natin
dahil BASURA plus KORAPSYON equals BAHA
mga korap ay ibasura nating sadya

kayraming kalat, upos, damo, papel, plastik!
walisin na lahat ng mapapel at plastik!
oligarkiya't dinastiya, ibasura!
senador at kongresistang korap, isama!

may korapsyon dahil may Kongresista Bundat
kaban ng bayan ang kanilang kinakawat
at may korapsyon dahil may Senador Kotong
na buwis ng mamamayan ang dinarambong

tarang maglinis! baligtarin ang tatsulok!
sama-samang walisin ang sistemang bulok!
O, sambayanan, wakasan na ang korapsyon!
kailan pa natin gagawin kundi ngayon!

- gregoriovbituinjr.
10.15.2025

* litrato kuha sa Luneta, Setyembre 21, 2025

May madaling araw na ganito

MAY MADALING ARAW NA GANITO

I

ako'y biglang naalimpungatan
nang may kumaluskos sa pintuan
ang balahibo ko'y nagtayuan
di mawari ng puso't isipan

II

tila ba may kung sinong yumugyog
nang selpon ko'y sa sahig nahulog
at di na ako napagkatulog
hanggang maamoy ang mga hamog

III

ala-una ng madaling araw
at dama ko ang kaytinding ginaw
pagbangon, tila may nakatanaw
matapang kong binuksan ang ilaw

sino bang nagmamatyag sa akin
tiningnan saan mata'y nanggaling
paglingon ko'y may isang imahen
litrato ng sinta'y nakatingin

IV

natulog nang mag-aalas-dos na
matapos sa kompyuter magtipa
ganyan ang gawain ko tuwina
madaling araw na ay gising pa

at nag-alarm clock ng alas-sais
pagkat maliligo't magbibihis
kakain ng kaunti't aalis
kulang sa tulog, trabaho'y labis

- gregoriovbituinjr.
10.15.2025