Miyerkules, Hulyo 29, 2015

Isang dukhang manunulat

ISANG DUKHANG MANUNULAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

Dukhang manunulat sa mata ng marami
Tila walang alam, namamayat sa tabi
Palagi pang nakatingala sa kisame
Tinititigan yaong kariktan ng gabi
Mukha pang tulala dahil kumain dili

Sinusulat yaong nadamang pagkasawi
Ang kaakuhan niya'y tila bali-bali
Bakit sa puso'y lumbay ang nananatili
Angaw-angaw ba yaong sa kanya'y nalugi
Sa kabiguan ba'y kaya niyang humindi

Dukha man siya'y mayaman sa karanasan
Kahit bawat suot niya'y pinaglumaan
Nakipaglaban pa sa maraming digmaan
Upang palayain ang bansa't sambayanan
Siya'y napilayan, nabalian, duguan

Laman yaon ng mga tala't kasaysayan
At ngayon, nililikha niya ang tagpuan
Sari-saring kabanata, yugto, tipanan
Pinagdaanan, kahirapan, kagutuman
Demokrasya, sosyalismo, kapayapaan

Dukhang manunulat sa mata ng marami
Kakatha habang nakatitig sa kisame
Dudungaw, tatanawin ang tala sa gabi
Tutunganga ngunit kayraming sinasabi
At sa kanyang mga akda, tayo ang saksi