Sabado, Enero 3, 2026

Salamat kay Agoncillo sa tulang "Sa Iyo, O Makata"

SALAMAT KAY AGONCILLO SA TULANG "SA IYO, O MAKATA"
ni Gregorio V. Bituin Jr. 01.03.2026

sa magasing Liwayway nga / ay muling inilathalà
ang tula ni Agoncillo, / na "Sa Iyo, O Makatâ"
na isang pagpapahayag / na merong sukat at tugmâ
isang tulang inaalay / sa kapwa niya makatâ

ang pantig bawat taludtod, / nasa lalabing-animin
may sesura sa pangwalo, / sadyang kaysarap basahin
may sugat man at pasakit / ngunit mananamnam natin
ang salitang anong tamis, / na may anghang at pait din 

kaya't naririto akong / taospusong nagpupugay
sa tula ni Agoncillo / habang nasa paglalakbay
sa putikan mang lupalop, / ang kanyang tinula'y tulay
sa bawat unos ng buhay, / may pag-asang tinataglay

pasasalamat sa iyo, / sa anong ganda mong mithi
Agoncillo, historyador, / makatang dangal ng lahi!
upang mabasa ng tanan, / buong tula mo'y sinipi
at tinipa sa kompyuter, / nang sa iba'y mabahagi:

SA IYO, O MAKATA
Ni Teodoro A. Agoncillo
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 13, 1945)

KAIBIGAN, malasin mo ang mapulang kalunuran
At may apoy na animo ay siga ng kalangitan;
Yao'y ningas sa magdamag ng masungit na karimlan,
Na sulo ng ating budhing walang layo't naglalaban.

HUMINTO kang sumandali, O kahit na isang saglit,
At kumatok nang marahan sa pinto ng aking dibdib,
Sa loob mayroong isang pusong laging tumatangis,
Sa sama ng katauhang sa kapuwa'y nagbabangis!

O linikha ng Maykapal! Malasin mo't nagdidilim
Ang umaga ng daigdig na luhaa't naninimdim;
Ang kalulwa'y naghuhukot sa mabigat na pasanin,
At ang diwa'y nadudurog sa dahas ng pagkabaliw.

O makatang mang-aawit ng mayuming kagandahan,
O makata ng pag-ibig at matimping pagdaramdam;
Ang tinig mo'y hindi paos, ano't hindi mangundiman
Ng Paglaya nitong Tao upang maging Diwang Banal?

KALBITIN mo ang kudyapi na kaloob ni Bathala
At nang iyong mapahinto ang sa ngayo'y nandirigma;
Ang yumao'y idalangin, at sa puso ay magluksa,
At sa buhay agawin mo ang sandatang namumuksa!

Ang tinig mo'y isang tinig ng Bathalang Mananakop,
Ang layon mo ay siya rin ng Mesyas na Manunubos;
Ang diwa mo ay panlahat, ang mithi mo ay pag-irog,
Ang bayan mo'y Daigdigang naghahari'y gintong loob.

UMAWIT ka O makata! Lisanin mo ang pangamba,
Tumitig ka sa silahis ng araw na nagbabaga;
Ang buhay man ay di laging pag-ibig na sinisinta,
Sa paana'y malasin mo't may hukay na nakanganga!

AT sa gayon, ang kanluran na may sigang sakdal tingkad
Ay sa dilim magluluwal ng umagang maliwanag;
Sadyang ganyan ang mabuhay sa lalim ng iyong sugat
Ay doon mo makikita ang langit ng iyong palad.

* muling nalathala ang tulang ito ni Agoncillo sa magasing Liwayway, isyu ng Abril 2024, p.96

Tanága - baybayin sa kurakot

hinagpis ang dinulot
sa bayan ng kurakot
dapat lamang managot
silang mga balakyot

tanága - baybayin
gbj/01.03.2026

Aklat ng martial arts

AKLAT NG MARTIAL ARTS

buti't nabili ko rin ang librong "Ang Sining
ng Pakikipagtunggali at Pagtatanggol"
magandang basahin, madaling unawain
sa presyo ng libro'y sapat lang ang nagugol

narito'y Arnis, Karate, Tae Kwon Do, Kung Fu
di lang ito tungkol sa pakikipaglaban
kundi liwanag ng pananaw at prinsipyo
pag-unlad ng diwà, malusog na katawan

ang mga kilos dito'y masining sa ganda
mga kata'y pinagi-ensayuhang sadyâ
ang librong ito'y interesante talaga
upang sa mang-aapi'y di basta luluhà

kung sa pagtatangka'y di agad makakalas
ay baka maipagtanggol ko ang sarili
sa paglaban dapat katawan ay malakas
upang di basta maagrabyado't ma-bully

- gregoriovbituinjr.
01.03.2026

Ang panulat na Baybayin, ayon kina Bonifacio at Rizal

ANG PANULAT NA BAYBAYIN, AYON KINA BONIFACIO AT RIZAL
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi nila tinawag na baybayin ang lumang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno. Subalit mahihiwatigan agad na iyon ay Baybayin kung babasahin nating mabuti ang nilalaman ng mga sinulat ng ating mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio at Gat Jose Rizal.

Inilahad mismo iyon ni Bonifacio sa unang talata pa lamang ng kanyang akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog". "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila ay kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog."

Inilahad din ito ni Rizal sa ikadalawampu't limang kabanata ng Noli Me Tangere. Sa buod, nagsadya si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo at nakita niyang ito'y nagsusulat. Itinanong ni Ibarra kung bakit siya nagsusulat sa paraang hieroglipiko na hindi naman naiintindihan ng iba. Sinagot siya ni Pilosopo Tasyo na ito'y isinulat sa Pilipino na para sa susunod na henerasyon.

"At bakit kayo sumusulat kung ayaw ninyong mabasa?"

"Sapagkat hindi ako sumusulat ukol sa salinlahing ito. Sumusulat ako sa ibang panahon. Kapag nabasa ako ng salinlahing ito, susunugin nila ang mga aklat ko, ang ginawa ko sa buong buhay ko. Sa kabilang dako, ang salinlahing babasa sa titik kong ito ay isang salinlahing marunong, mauunawaan ako, at sasabihing: 'Hindi lahat ay natulog sa gabi ng ating mga ninuno!"...

"At sa anong wika kayo sumusulat?" tanong ni Ibarra nang tumigil ang matanda.

"Sa ating wika, sa Tagalog."

Kung aaralin natin ang ating kasaysayan, malinaw na tinutukoy ni Bonifacio sa "talagang panulat nating mga Tagalog" ay Baybatin. Habang sa nobela ni Rizal, ang hieroglipikong isinulat ni Pilosopo Tasyo ay Baybayin din, dahil sumusulat siya "sa ating wika, sa Tagalog."

Sa nobelang Tasyo ni Ed Aurelio C. Reyes, historyador at siyang pasimuno ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan) kung saan kasapi ang inyong lingkod, tinalakay niyang Baybayin ang tinutukoy rito ni Pilospong Tasyo. At kaya Tasyo, ibig sabihin ay Tayo.

01.03.2026

Mga sanggunian:
aklat na Noli Me Tangere, salin ni V. S. Almario; ang orihinal na Kabanata 25 ay ginawa niyang Kabanata 26 dahil ang ipinalit ni Almario sa Kabanata 25 ay ang nawawalang ika-10 Kabanata na may pamagat na Elias at Salome, o ang kabanatang tinanggal noon ni Rizal upang mapagkasya ang bayad sa imprentahan

Sugatan sa paputok - 235 (2026), 236 (2019)

SUGATAN SA PAPUTOK - 235 (2026), 236 (2019)

halos di nagkakalayo ang bilang ng naputukan
sa Bagong Taon ng 2026 at 2019
sa bansa, ang sabi ng Kagawaran ng Kalusugan
kaytindi, parang nangyari sa iisang lugar lamang

bagamat sa lumang ulat, tinukoy saan nangyari
sa ulat ngayong taon ay di pa ito sinasabi
bukod sa pagsalubong, paputok ba'y anong silbi
kung kinabukasan at daliri ang biktima rine

sagot ba ng negosyante ng paputok ang medikal
ng mga naputukang may malay ngunit walang malay
lalo't mga bata pa't di kabataan at tigulang
ang mga nasaktan, nasabugan, dinalang ospital

maraming mga pangarap ang sinira ng paputok
habang ngingisi-ngisi lang ang kapitalistang hayok
sa tubo at walang pakialam sa masang nalugmok
mawakasan ang ganitong sistema'y dapat maarok

- gregoriovbituinjr.
01.03.2026

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 2, 2026, p.2 at p.5