PAGBALIGTAD NG SIKMURA'T TATSULOK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
nasisikmura mo ba ang mga katiwalian
na talamak na sa maraming ahensya ng bayan
ang mga trapo ba'y sino ang pinaglilingkuran
ang sambayanan, negosyante, o sarili lamang
nakahiga sa pera ng bayan ang mga trapo
ibinubulsa nila pati buwis ng obrero
pangako'y madalas ipako nitong pulitiko
sa halip na maglingkod, serbisyo'y ninenegosyo
tila kaluluwa ng bayan na ang binibili
ng mga kawatang trapong nangangamoy asupre
kung di mo masikmura ang asal nilang buwitre
di ba't mga trapong ito'y dapat lang magarote
nakakabaligtad ng sikmura ang gawa nila
sa bayan pagkat labis silang mapagsamantala
sa lipunang ito'y bulok ang kanilang sistema
mga katiwalian nila'y nakakasuka na
sigaw namin: palitan na itong sistemang bulok
baligtarin na rin ang sa lipunan ay tatsulok
mga trapong ito'y dapat makatikim ng dagok
mga trapong ang bayan na'y kanilang inuuk-ok
tatsulok na itong nasa tuktok ang mayayaman
habang nasa ilalim naman ang nahihirapan
panahon nang tatsulok ay baligtaring tuluyan
upang sikmura naman natin ay gumaan-gaan