Miyerkules, Hunyo 4, 2008

Aishitemasu, Ms. M.

Aishitemasu, Ms. M.
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod



Naukit na ang iyong larawan
Dito sa aking puso’t isipan
Asahan mo’ng aking katapatan
Ang puso ko’y iyung-iyo lamang.
Para ito’y aking patunayan
Puso ko’y dudulog sa sumpaan:
“Sa pag-ibig o rebolusyon man,
Ilalaban kita ng patayan!”

Text sa isang Dilag

Text sa isang Dilag
ni Greg Bituin Jr.

Sa tuwing lumulubog ang araw sa kanluran
Pag-ibig sa iyo’y dagling nasok sa isipan
Lagablab ng damdamin ay kayhirap iwasan
Tila buong ako sa apoy ay nadadarang.

Sa tuwing sumisikat ang araw sa silangan
Larawan mo’y agad sumasagi sa isipan
Pangarap kong ikaw’y maging aking paraluman
O, Dakilang Pag-ibig, dinggin ako’t tulungan!

Euthanasia

EUTHANASIA
ni Greg Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

oh, kaytamis piliin
nito ngang kamatayan
kaysa naman mabuhay
nang walang kabuluhan

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. 

Hindi Alipin

HINDI ALIPIN
ni Greg Bituin Jr.
5 pantig bawat taludtod

Ang manggagawa’y
Hindi kalabaw
Na pag pinalo’y
Di magdaramdam.

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8. 

Cheating President, Resign!

Cheating President, Resign!
ni Greg Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

Dapat raw ay “No permit, no rally”
Ito’ng nais ng pangulong peke
Na lider nitong gobyernong bingi
At ng mga parak na butete
Pati makabagong Makapili.

Kaya pag nakita ka sa rali
Ng mga unipormadong pipi
Sila’y walang pag-aatubili
At hindi rin naman magtitimpi
Umilag ka’t baka magarote.

Karapatan mo namang magrali
Ay ikaw pa itong sinisisi
Kahit pumutok ang iyong labi
Sila sa’yo’y sadyang walang paki
Parang aso pa silang ngingisi.

Bagong Buwis sa Reyna

Bagong Buwis sa Reyna
ni Greg Bituin Jr.

Tulad ng isang magnanakaw
sa gabing mapanglaw
nang ang panibagong
mga dagdag buwis
ay naghahandang lumuray
sa ating mga katauhan
Tulad ng isang magnanakaw
unti-unting inuumit sa maralita
ang kaning isusubo na lamang
Tulad ng isang magnanakaw
tanging ang nakaupong reyna
ang makikinabang sa dagdag-buwis
sapagkat ito’y kailangan niya
upang patuloy na mangunyapit
sa poder ng kapangyarihan,
sa pwestong sapilitan niyang inagaw
tulad ng isang magnanakaw

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, Tomo X, Blg 4, Taon 2005, p.8.

Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Modelo ng Pinay

MODELO NG PINAY
ni Greg Bituin Jr.

Nakakaawa ang istorya
Nitong si Maria Clara
Siya pala’y lihim na anak
Ng isang paring walang kaluluwa.
Ngunit ang mas nakakaawa
Ay nang gawin pang modelo
Ng kababaihang Pilipina
Itong si Maria Clara
Na bukod sa mahinhin
Ay mahina, sakitin at lampa
Ah, di siya karapat-dapat.
Mabuti pa sina Prinsesa Urduja,
Gabriela, Teresa at Lorena
Matitikas na kababaihang
Sadyang mas mainam pa
Kaysa mga Maria Clara

Nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Tomo IX, Blg. 3, Taon 2004, p.8.