Lunes, Marso 18, 2024

Meryenda

MERYENDA

tubig at sky flakes ang meryenda
mula maghapong pangangalsada
kailangang may lakas tuwina
lalo na't nag-oorganisa ka

ng laban ng dukha't manggagawa
upang di ka laging nanghihina
di dapat gutom ang maglulupa
na adhikang baya'y guminhawa

tara munang magmeryenda rito
tubig man at sky flakes lang ito
libre kita, sagot mo ang kwento
habang sagot ko naman ay isyu

katulad ng isyung panlipunan
bakit ChaCha ay dapat tutulan
ChaCha iyan para sa iilan
di pangmasa kundi pandayuhan

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

"Ayoko sa sistemang bulok!" ~ Eugene V. Debs

"AYOKO SA SISTEMANG BULOK!" ~ EUGENE V. DEBS

"I am opposing a social order in which it is possible for one man who does absolutely nothing that is useful to amass a fortune of hundred of millions of dollars while millions of men and women who work all their lives secure barely enough for a wretched existence." ~ Eugene V. Debs, US Labor and Socialist Leader, Presidential Candidate, June 16, 1918

kaygandang sinabi ni Eugene V. Debs noon
na sa mga tulad ko'y isang inspirasyon
ayaw niya ng sistemang animo'y poon
ang isang tao na tangan ay milyon-milyong
dolyar habang milyong obrero'y hirap doon

habang pinapanginoon ang isang tao
dahil sa kanyang yaman at aring pribado
nagpapatuloy naman sa pagtatrabaho
ang milyong obrerong nagbabanat ng buto
upang pamilya'y buhayin sa mundong ito

inilarawan niya'y bulok na sistema
kung saan pinapanginoon ay burgesya
nais niyang lipunan ay sinabi niya
na lipunang walang panginoon talaga
walang poong maylupa at kapitalista

tulad ko, ang nais niya'y lipunang patas
na mga tao'y kumikilos ng parehas
walang mayaman, walang lamangan at hudas
walang pribadong pag-aari't balasubas
kundi pagpapakatao ang nilalandas

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

* litrato mula sa google

Sa tindahan ng aklat

SA TINDAHAN NG AKLAT

patingin-tingin lang, / di naman bibili
ng nakitang librong / nadaanan dini
na sa aking isip / ay makabubuti
nang maehersisyo / yaring guniguni

naririto pa rin / akong nangangarap
na maraming bansa'y / mapuntahang ganap
pati na lipunang / sadyang mapaglingap
na sa pagbabasa / minsan nahahanap

di pa makabili / ng libro ng tuwa
hanggang bulsa'y butas / sa maong kong luma
wala pang panggugol, / ipon pa'y di handa
sinturong masikip, / luluwag ding sadya

mabibili ko rin / ang asam na aklat
lalo't panitikang / tinugma't sinukat
pagkat sa bulsa ko'y / di naman mabigat
nagtitipid lamang, / di naman makunat

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

* litrato'y kuha ng maybahay ng makata

Kay-ikli nitong tula

kay-ikli nitong tula
sa danas na kayhaba
kakaunting kataga
subalit masalita
sa mga isyu't paksa
ay tila kulang pa nga
laksa mang dusa't luha
ay di mo mahalata

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024

Tugon sa tula ng kamakatang Glen Sales

TUGON SA TULA NG KAMAKATA

oo, tanda ko pa, kamakata
bata pa'y hilig nating tumula
sa gubat man ng panglaw at mangha
pag may tula'y di nangungulila

tula ng tula noon pang bata
na samutsari ang pinapaksa
balak, bulaklak, sinta, diwata
alay sa inang mahal na sadya

hanggang ngayong tayo'y tumatanda
pagtula nati'y sumasariwa
may umagos mang dugo at luha
tumutulang buong puso't diwa

salamat, kaibigang makata
kaharapin man ay dusa't sigwa
tula'y tulay sa langit at lupa
mabuhay ka at ang ating tula

- gregoriovbituinjr.
03.18.2024