Biyernes, Marso 13, 2015

Matisod man sa pagtakbo

MATISOD MAN SA PAGTAKBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

matisod ka man habang tumatakbo
di ka tatakbong muli sa simula
titindig ka kung saan ka nadapa
at muli'y tumakbo kang taas-noo

isiping kung tumakbo ng matulin
malalim daw ang tinik kung bumaon
sa pagtakbo'y tiyakin ang direksyon
daang matinik ay lagpasan man din

makailang ulit ka mang mabuwal
ay muli kang bumangon at tumayo
nabubuwal yaong naninibugho
subalit tumindig ka ng may dangal

matisod ka man sa pagtakbo, bangon!
sumulong ka kung saan paroroon!

Bato sa guho

BATO SA GUHO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

naroroon lang iyon, naghihintay
na muli'y maging bahagi ng muog
nang gumuho ang pader na matibay
dahil sa lindol, kayraming lumubog

may silbi pa ba ang bato sa guho
wala nang muog na kinakutaan
mapapansin ba ang kanyang siphayo
o siya'y aapak-apakan na lang

marahil, batang dukha pa'y kikita
kung yaong mga bato'y iipunin
ibebenta niya sa naggagraba
may pambili na siya ng pagkain

minsan, tayo ang batong guhong iyon
ngunit siphayo'y di naman palagi
sasapit ding tayo'y dapat bumangon
sa muog ay muling maging bahagi