Lunes, Setyembre 26, 2011

May Tunggalian ng Uri Kahit sa Balita

MAY TUNGGALIAN NG URI KAHIT SA BALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

bakit kaya pag pagkilos ng manggagawa
at pakikibaka ng mga maralita
ay bihira o hindi agad mabalita
kahit na ang mga nangyayari'y malala

ngunit pag press release na ng kapitalista
aba'y sadyang ito'y agad nababandera
talagang pinagkakaguluhan ng media
basta't balitang burges, nag-uunahan na

teka, magkano nga ba ang bawat balita
mga nasa media'y sadyang nagkandarapa
sa kapitalista'y di magkandaugaga
habang dehado lagi itong manggagawa

sa balita man, may tunggalian ng uri
basta mahirap, nadedehado ang puri
ngunit basta mayaman, laging pinupuri
ganitong estilo'y di dapat manatili