Martes, Agosto 12, 2025

Kinalikot ang mouse, akala'y daga?

KINALIKOT ANG MOUSE, AKALA'Y DAGA?

ang mouse ng laptop ba'y nahilang sadya
kaya napabagsak iyon sa lupa
pagdating ko'y nakita si alaga
katabi ang mouse, akala ba'y daga?

sana mouse na gamit ay di nasira
kundi'y wala nang gagamiting sadya
pinalabas ko ng bahay ang pusa
upang suriin kung ang mouse ba'y sira

bagong mouse ay bibilhin pag sira
sana'y may salapi pang nakahanda
ay, kayrami ko pa namang nakatha
sa kwaderno na nais kong matipa

mouse sa mesa'y nalimot ng makata
tila ako pa ri'y natutulala
nasa isip ang asawang nawala
buti't mouse ay gumagana pang sadya

- gregoriovbituinjr.
08.12.2025

Hibik ng dalita

HIBIK NG DALITA

ako'y walang bahay
walang hanapbuhay
ilalim ng tulay
ang tahanang tunay

di ko na mabatid
paano itawid
ang buhay ko'y lubid
na baka mapatid

latang walang laman
nilagay sa daan
na pagkukuhanan
ng pambiling ulam

pagbakasakali
pangarap ma'y munti
guminhawang konti
yaong minimithi

- gregoriovbituinjr.
08.12.2025

* mga litrato mula sa google

Low carb diet, tula 2

LOW CARB DIET, TULA 2

mabigat sa tiyan / at nakabubusog
kahit walang kanin / ay di mangangatog
aba, kagabi nga, / kaysarap ng tulog
tila nangangarap / ako ng kaytayog

oo, walang kanin, / gulay at isda lang
ngunit mga tinik / ay pakaingatan
ang sabaw ng talbos / ay kaysarap naman
sibuyas, kamatis, / lasap ang linamnam

low carb diet na nga'y / aking sinusunod
buti't may ganito, / nang di mapilantod
lalo't ang tulad ko'y / tuloy sa pagkayod
bumaba ang sugar / ang tinataguyod

simpleng pamumuhay, / puspusang pagbaka
sa bayan at sakit, / at magpalakas pa
katawang malusog / at kaaya-aya
ang isang adhika / ng lingkod ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.12.2025

PULGADA (one inch) AY DI YARDA (36 inches)

PULGADA (one inch) AY DI YARDA (36 inches)

Pababa Dalawampu't Isa
ang tanong doon ay Pulgada
sa Ingles nga ay one inch siya
bakit naging sagot ay YARDA

para bagang di na nasuri
tila krosword ay minadali
pagkat pulgada't yarda'y hindi
magkasingkahulugan, mali

di ba nakita ng patnugot
ang nasabing mali sa krosword
ganyan nga'y di kalugod-lugod
tila wika'y napipilantod

ay, Buwan ng Wika pa ngayon
ganyang krosword ang nasalubong
parang textbook, may mali roon
na dapat ngang iwasto iyon

nawa'y di na mangyari ulit
tamang kahulugan ang hirit
nawa ito'y di ipagkait
sa'ming nagko-krosword malimit

- gregoriovbituinjr.
08.12.2025

* palaisipan mula sa pahayagang Pang-Masa, Agosto 11, 2025, pahina 7