Linggo, Pebrero 27, 2022

Tula alay sa Piglas-Maralita

TULA ALAY SA PIGLAS-MARALITA

sa inyong asembliya'y pupunta
kaming naglilingkod din sa dukha
at ipaglaban, kayo'y kasama
ang bawat isyu ng maralita

lalo't usaping paninirahan
at kinabukasan nitong anak
isyu ng hustisyang panlipunan
nang dukha'y di gumapang sa lusak

pipiglas sa isyung di malunok
huhulagpos sa sistemang bulok
makikibaka, makikihamok
upang dukha'y ilagay sa tuktok

lipunang makatao'y itayo
at pagsasamantala'y masugpo
kung pagkakaisa'y makatagpo
maling sistema'y mapaglalaho

mabuhay ang Piglas-Maralita
at tayo'y nagkakaisang diwa
patungo sa mabuting adhika
para sa kagalingan ng dukha

- gregoriovbituinjr.
02.27.2022

Punong mangga

PUNONG MANGGA

ah, may punong mangga sa lungsod
na tanawing kalugod-lugod
sa dukhang mababa ang sahod
bagamat paligid ay bakod

malago na ang punong mangga
pagmasdan mo't kayraming bunga
aani'y tiyak na masaya
lalo kung ito'y mabebenta

halina't ating ipagdiwang
ang mga manggang manibalang
nang sa piging ng mga manang
na buntis ay may pakinabang

ngunit paano aanihin
upang buntis ay pasayahin
mga bunga'y ating sungkitin
kung may tulay man ay tawirin

mangga'y talupang unti-unti
nang di sumugat sa daliri
manggang hilaw pala ang susi
sa manang nating naglilihi

- gregoriovbituinjr.
02.27.2022
* litratong kuha ng makatang gala habang bumababa sa hagdanan ng MRT

Anino sa baso

ANINO SA BASO

may kasabihan ang lasenggo
na kaiba sa lasenggero
aba'y tumagal na sa ano
subalit huwag lang sa baso

at iyan din ang sinasabi
ng mga tanggerong nagsilbi
sa pagtagay ng rhum at pepsi
o kaya'y hinyebra o whiskey

ngunit baso ba'y lumalakad
o tanggero lang ang makupad
sa lalamunan di sumayad
yaong lambanog na may babad

anino sa baso'y namasdan
humahalo sa tinalupan
nang hahawakan ang tatangnan
ay naubos na ang pulutan

napakaartistikong kamay
na humalo sa mga kulay
ano kaya ang kanyang pakay?
ang ubusin na ba ang tagay?

- gregoriovbituinjr.
01.27.2022