ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
I
ang daang tinahak ay tila ba kaylungkot
animo'y may haharaping masalimuot
may unos kayang parating nakatatakot
salubong ay dilim, may dala bang hilakbot
ano ang gagawin sa unos na parating
kung ito'y kasinlakas ng Yolandang praning
mabuti pang magandang dalaga'y maglambing
nang pumayapa, makatulog ng mahimbing
II
patuloy sa paglalakad kinabukasan
alay para sa bukas ng kapwa't ng bayan
subalit di naman magbabagong agaran
sa isang gabi o iglap ang kaganapan
ang daigdig na'y nagbabago, nagbabaga
kaiba na ito sa dati, kaiba na
ang gubat, ang ilog, ang dagat, kayrumi na
panay polusyon na ang hanging hinihinga
- sa St. Anne Parish, Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon, Oktubre 8, 2014
* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda