Huwebes, Disyembre 8, 2022

Libag

LIBAG

alahas mo man ay libag
dahil obrerong kaysipag
kung magtrabaho'y matatag
maghapon man o magdamag

naglilipak na ang kamay
sa bawat trabahong taglay
sa sahod mang ibinigay
ay sadyang di mapalagay

sa pawis ay natuyuan
at pag-uwi ng tahanan
nanlalagkit na katawan
ay kanyang paliliguan

upang libag ay maalis
at katawan ay luminis
ang libag pag kinilatis
ay nahubad na't umimpis

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022

Repleksyon

REPLEKSYON

alam mong di siya  nakalutang sa hangin
tubig lang sa sahig ay nagtila salamin
repleksyon lang iyon, pag iyong susuriin
aba'y walang multo, tiyak mong sasabihin

pagmasdan mo, nakatingkayad lang ang tao
nakatungtong sa sahig matapos ang bagyo
marahil isa iyong matinding delubyo
na sa isang probinsya o lungsod lumumpo

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022

* litrato mula sa google

Walis at pansuro

WALIS AT PANSURO

dapat may walis ka at pansuro
sa inyong tahanan nakatago
pag may agiw, dumi o siphayo
ay walisin mo ng buong pagsuyo

mga naglipanang karumihan
sa isip o sa kapaligiran
ilagay sa pansuro o dustpan
nang kalooban din ay gumaan

kapag may nabasag na salamin
o may gabok na dala ng hangin
kalat sa sahig ay wawalisin
dumi'y sa pansuro titipunin

sa tahanan nga'y tungkulin ko na
at gawain din sa opisina
maging pagwawalis sa kalsada
dahil may walis at pansuro ka

sa layak ay di masasalabid
mga paa mo'y di mapapatid
pagkat anong linis ng paligid
kapayapaan sa puso'y hatid

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022

Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan. 

Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurò para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala.

Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurò sa pahina 86 ng nasabing aklat:

(1) May dala nang walis at pansurò ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansurò. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

(2) Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurò. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Sining

SINING

nakapinta sa upuang bato
ay tigreng may mukhang anong amo
katabi nito'y lawin at loro
kulay ng paligid pa'y seryoso

may mensahe pang payo sa masa:
itatatag nating sama-sama
ang luntiang lungsod na kayganda
kahit na tayo'y magkakaiba

tila nasa daigdig ng aliw
kasama ang pusong gumigiliw
sa pagsasama'y huwag bibitiw
upang pag-ibig ay di magmaliw

tingni't gumagalaw yaong sining
habang yaring diwa'y nahihimbing
ang tigreng iyon pag sumingasing
ay tandang dapat ka nang gumising

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022