Huwebes, Marso 17, 2022

Ngiti

NGITI

nakakahawa ang iyong ngiti
sasaya kahit may dalamhati
nakakaakit ang bawat ngiti
na sa puso ko'y nananatili

nakakahawa kahit pandemya
ang ngiti mong may buong pagsinta
ako'y napapangiting talaga
binabalik ang ngiting halina

sa ngiti, nabubuhay ang mundo
lumilinaw kahit ang malabo
pagsinta'y tiyak di maglalaho
kung may halina't ngiti sa puso

ngiti mo'y talulot ng bulaklak
lalo't dinggin ang iyong halakhak
pumapagaspas, puso'y may galak
at may ginagapas sa pinitak

sana pagngiti'y di ipagdamot
pangit ang laging nakasimangot
sa ngiti'y nawawala ang lungkot
pasensya sa aking mga hugot

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Bedyetaryan

BEDYETARYAN

mahirap ding mag-vegetarian at budgetarian
kahit pinili mo iyon para sa kalusugan
bagamat dapat ka ring magtipid paminsan-minsan
pagkat kaymahal na rin ng gulay sa pamilihan

ayoko nang magkarne bagamat may isda pa rin
sinusubukan, ginagawa ay gulay at kanin
pagkat makakalikasan daw ito kung isipin
bagong estilo ng pamumuhay ba'y kakayanin

maliit ngang mineral water, kaymahal, tingnan mo
bente-singko pesos ang maliit na boteng ito
kumpara sa isang galon na nasa treynta-singko
aba'y iyan kasi ang batas ng kapitalismo

kaya magandang magtanim-tanim na rin ng gulay
upang may mapitas na kakainin balang araw
kung nasa lungsod ka'y sa paso magtanim ng gulay
kaysa nakatingala lang sa ilalim ng araw
bilang paghahanda kung pandemya'y muling humataw

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Tulaan sa Marso 21

Ilang araw na lang, World Poetry Day na! May tulaan sa darating na Marso 21, 2022.

Nais mo bang magbasa ng tula, o makibahagi sa pagdiriwang ng World Poetry Day? Tara, sa BMP opis sa Pasig, sa 03.21.2022, sa ikaapat ng hapon hanggang ikawalo ng gabi. Ibidyo natin ang iyong pagtula.

Babasahin ang mga tulang nalathala na sa FB page na 101 Red Poetry for Ka Leody and Walden, at sa kanilang line up. O kung may ambag kang tula na nais mong basahin.

Maghahanda po kami ng puto, kutsinta't malamig na tubig lang po para sa ating poetry reading. Kita-kits!

TULAAN SA MARSO 21

tara't magtulaan tayo
ngayong Marso Bente-Uno
Araw ng Pagtula ito
World Poetry Day sa mundo

tara, bumigkas ng tula
hinggil sa obrero't dukha
hinggil sa danas na sigwa
hinggil sa mga makata

mga paksang samutsari
mutyang may magandang ngiti
at may mapupulang labi
paglutas sa isyu't sanhi

araw na ito'y tandaan
sabay nating ipagdiwang
dito, tayo'y magbigkasan
ng kinatha natin naman

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Ipanalo ang 2 sa 2022

IPANALO ANG 2 SA 2022

Ka Leody de Guzman, numero dos sa balota
bilang Pangulo ng bansa, ihalal natin siya
at Ka Walden Bello, numero dos din sa balota
bilang Bise-Presidente, iboto natin sila

lalo na't tatlo din ang dos sa taon natin ngayon
twenty-twenty two, taon ng malalaking paghamon
pambáto ng obrero't dukha ang dalawang iyon
upang abutin ang pagbabagong asam pa noon

anila, "Manggagawa Naman sa twenty-twenty two!"
numero dos, Leody de Guzman at Walden Bello
sa Panguluhan at pagka-Bise ay ipanalo
bilang kinatawan sa tuktok ng dukha't obrero

may paninindigang kaiba sa trapong kuhila
may prinsipyong sa mahihirap ay kumakalinga
hustisyang panlipunan ang nilalayon sa madla
para sa kagalingan ng bayan ang inadhika

di nenegosyohin ang serbisyong para sa masa
di tulad ng mga trapong nakasuksok sa bulsa
ng mga bundat na pulitiko't kapitalista
di trapo, di elitista, makamasa talaga

lahat ng suporta'y taas-noo nating ibigay
silang para sa masa, buhay na'y iniaalay
sa halalang darating, ipanalo silang tunay
para sa kinabukasan ng bayan, dangal, buhay

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Selfie

SELFIE

ako'y agad nakipag-selfie
nang makita siya sa rali
ako'y natuwa't di nagsisi
sa kandidatong nagsisilbi

sa masa't sa kapaligiran
pambatong makakalikasan
kandidato ng mamamayan
ibotong Senador ng bayan

si David D'Angelo siya
pambatong Senador ng masa
na ang partidong nagdadala
ay Partido Lakas ng Masa

matitindi ang talumpati
basura raw ay di umunti
pati klima'y bumubuhawi
magsilbi sa bayan ang mithi

may babalang nakakatakot
hinggil sa klima, kanyang hugot
two degrees ay baka maabot
sa walong taon, anong lungkot

hangga't sistema'y di magbago
habang klima'y pabago-bago
nais ni David D'Angelo
dalhin ang isyu sa Senado

ito'y isyu mang daigdigan
ay dapat lang mapag-usapan
si D'Angelo'y kailangan
at ipanalo sa halalan

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

* selfie ng makatang gala
noong Araw ng Kababaihan