Biyernes, Oktubre 3, 2014

Walang puknat na lakad

WALANG PUKNAT NA LAKAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

patuloy ang aming paglalakad, patuloy
tila di kami nakararamdam ng kapoy

nasa gitna man ng araw, ngunit kaysaya
pagkat nag-aawitan ang magkakasama

kami'y naglakad mula Kilometer Zero
ang aming adhika'y dumatal sa Ground Zero

sa mismong unang anibersaryo ng unos
na sa buong Tacloban ay halos umubos

bakit kami naglalakad? tanong malimit
punta'y sa dinelubyo ng bagyong kaylupit

walang apuhap na sagot, kundi pag-asa
paglalakad ay simbolong may pag-asa pa

hustisyang pangklima, tanong pa'y ano iyon?
may hustisya pa ba sa mga nangabaon?

nabaon sa lupa, sa limot, at nalibing!
sapat bang magbigay ng sandosenang kusing?

di man nila unawa ang aming adhika
ngunit adhika itong pagmulat sa madla

hustisyang pangklimang sa madla'y ihahatid
hustisyang pangklimang dapat nilang mabatid

- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.

Bilang kinatawan sa Climate Walk

BILANG KINATAWAN SA CLIMATE WALK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

di basta maging kinatawan ng organisasyon
sapagkat ang kaakibat nito'y pananagutan
dapat magawa ko't matupad ang anumang layon
sa mga aktibidad na kasama ang samahan

ngayong kinatawan sa isang mahabang lakarin
ito'y hindi dahil napili lamang sa gawain
ito'y dahil naniniwala akong kayang gawin
yaong ang tingin ng iba'y mahihirapang tupdin

bihirang pagkakataon sa akin ibinigay
kaya buong panahon ko'y dito na inialay
at di na pinakawalan ang pambihirang bagay
na itong sa makataong prinsipyo nakabatay

siyang tunay, pagkakataong ganito'y bihira
kaya puso't isipan ko'y sadya kong inihanda
napakasaya, kaya't ako'y di magpapabaya
ibinigay sa akin, di ito dapat mawala

gagawin ang lahat ng makakaya, bigay-todo
pagkat ako ang kinatawan ng samahan dito
marami pong salamat sa pagtitiwala ninyo
asahan po nyong nasimulan ay tatapusin ko

- Lina, Lajara, Chipeco (LLC) Auditorium, Calamba Elementary School, Calamba, Laguna, Oktubre 3, 2014

* salamat sa dalawang organisasyong ako ang pinagtiwalaan bilang kanilang kinatawan sa Climate Walk, a People's Walk for Climate Justice, ang Sanlakas at ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda