Miyerkules, Mayo 11, 2022

Huwag makalimot

HUWAG MAKALIMOT

binagsak ng taumbayan ang diktadura noon
huwag tayong makalimot sa kasaysayang iyon
pinalaya ang bayan sa bangungot ng kahapon
muli nating gawin sa kasalukuyang panahon

huwag nating hayaang baguhin ang nakaraan
na rerebisahin nila ang ating kasaysayan
mga aral ng historya'y muli nating balikan
at ating labanan ang mga kasinungalingan

tuloy ang laban, di tayo basta magpapahinga
ating lalabanan ang pagrebisa ng historya
upang katotohanan ay di  mawawasak nila
upang kamtin ng bayan ang panlipunang hustisya

huli na ito, buhay ko na'y aking gugugulin
para sa manggagawa, upang tagumpay ay kamtin
para sa makataong lipunang pangarap man din
para sa katotohanan, ipaglalaban natin

- gregoriovbituinjr.
05.11.2022
* ang litrato'y selfie ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani noong 02.25.2022, ika-36 na anibersaryo ng unang pag-aalsang Edsa

Tula sa mutya

TULA SA MUTYA

ako'y tumutula para sa natatanging mutya
niring aking buhay, para sa magandang diwata
buhay ko ang aking kabiyak, ang buhay ko'y tula
di alintana anumang rumaragasang sigwa

basta kaming dalawa'y tigib sa pagmamahalan
lahat ay gagawin sa ngalan ng pag-iibigan
para kaming asukal sa tamis, tulad ng langgam
na ang pagsusuyuan ay tila ba walang param

ang anumang problema'y pinag-uusapan namin
mga napagdesisyunan ay huwag daramdamin
kinabukasan ng mga bata ang iisipin
kinabukasan naming pinagninilayan pa rin

maraming salamat, Libay, tula mang ito'y munti
kinatha dahil sa iwing puso'y namamalagi
upang bigkasin, bawat salita ay piling-pili
pagkat ikaw ang nasa puso ko't ipinagwagi

- gregoriovbituinjr.
04.17.2022
* tulang binigkas sa pagtitipong dinaluhan namin ni misis