Lunes, Oktubre 24, 2011

Hustisya'y Pangmayaman?

HUSTISYA'Y PANGMAYAMAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

napakaraming katanungan ang umuukilkil sa isipan
kapag may naaagrabyado sa sistema ng katarungan

bakit si Erap na guilty sa plunder ay nakalaya agad
ngunit yaong political prisoners sa piitan pa'y babad

bakit si Gloria'y pwede agad magpagamot sa ibang bansa
ngunit namamatay na di magamot ang mga maralita

bakit sinabi ni Noynoy na ang taumbayan ang kanyang Boss
ngunit kampi kay Lucio Tan, di sa manggagawang inuubos

bakit sa kaso ng taga-FASAP na nanalo na sa Korte
ay nabaligtad pa kahit ito'y "final and executory"

sa simpleng liham lang ng abogadong Estelito Mendoza
ay biglang umikot ang tumbong ng Korte't dagliang nagpasya

bakit kaybilis ng hustisya sa mga tulad ni Lucio Tan
ngunit kaybagal pag mahirap ang naghanap ng katarungan

bakit si Jalosjos na guilty sa rape ay agad nakalaya
ngunit si Echegaray ay agad nabitay sa Muntinlupa

bakit nauso ang salot na iskemang kontraktwalisasyon
na pumatay sa karapatan ng mga obrerong mag-unyon

bakit pati ang mga vendors na nagtitinda ng marangal
ay hinuhuli't sinusunog ang kanilang mga kalakal

ngunit ang pribadong sektor na sa masa'y kaytaas maningil
pinayagan kahit buhay nati'y unti-unting kinikitil

bakit ang nahuhuling mag-jumper ay agad ipinipiit
ngunit malaya ang sumisingil ng kuryenteng di ginamit

bakit bahay ng maralita'y winawasak at tinitiris
kaya nambabato ang mga maralitang dinedemolis

a, sadyang napakarami pang bakit ang ating masasabi
lalo't sa sistema ng hustisya sa bansa'y di mapakali

di ang mayayaman lang ang dapat makadama ng hustisya
kundi dapat lahat, may hustisya dapat lalo na ang masa

"at ang hustisya ay para lang sa mayaman", ayon sa awit
na Tatsulok na ang mensahe'y sadya ngang nakapagngangalit

masasagot ang mga tanong kung ating pakasusuriin
bakit ganito ang sistema't kalagayan ng bayan natin

mula doon ay magkaisa tayo tungo sa pagbabago
ng sistema't itayo na ang isang lipunang makatao

huwag nating payagang magisnan pa ng ating mga anak
ang sistemang tila balaraw sa ating likod nakatarak

tayo nang magsama-sama't palitan na ang sistemang bulok
at ang uring manggagawa't aping masa'y iluklok sa tuktok