Biyernes, Enero 8, 2010

Usapan ng Dalawang Puso

USAPAN NG DALAWANG PUSO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang tanaga

dalawang sintang tunay
ay may usapang gabay:
mabuti pang mamatay
kaysa magkahiwalay

Dalawang Mukha ng Pag-ibig

DALAWANG MUKHA NG PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.

i
kalaguyo
nasiphayo
at nabigo
natuliro

ii
kasintahan
nagbungkalan
kalooban
nagmahalan

Mapanglaw Pa ang Dibdib ng Gabi

MAPANGLAW PA ANG DIBDIB NG GABI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

halos magpatiwakal siya sa narinig
sinta raw niya'y may bago nang iniibig
parang buong pagkatao niya'y nalupig
tila siya'y nalumpo't nilunod sa tubig

ang mata niya'y nakatitig sa kawalan
utak niya'y bihag ng panglaw ng karimlan
di niya matanto ang angking kabiguan
at tila sugat-sugat ang kanyang kalamnan

mapanglaw, mapanglaw pa ang dibdib ng gabi
di alam kung siya ba'y manggagalaiti
may puwang pa kaya ang bait sa sarili
habang siya'y abot-abot ang pagsisisi

sadyang pumanglaw na ang dibdib ng karimlan
di pa niya alam kung anong magigisnan
paano kung sumikat ang kaliwanagan
may bagong umaga na ba siyang daratnan?

Alimuom ng Bagong Pagsinta

ALIMUOM NG BAGONG PAGSINTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

sa sinumang dilag, puso'y bukas ng makatang aba
lalo na't mapupusuan ay magandang aktibista
biyaya ng pag-ibig sa puso ko'y tiyak kakasya
pagkat sisidlang ito'y laging walang laman sa twina

o, magandang aktibista, laging inspirasyon kita
sabay nating tahakin yaong landas na sosyalista
magkasama tayo sa pag-ibig at pakikibaka
sa dakilang pag-ibig ko'y pitasin mo yaring bunga

nakita na kita, mahal, niyanig mo itong puso
ngunit bakit ba ang puso natin ay di pa magtagpo
dahil ba makata'y aba pa't baka ka masiphayo
kaya hinahayaan mo nang ang puso ko'y magdugo

kaya ngayon, ang makatang aba'y naghahanap muli
ng bagong iibiging nais niyang lagyan ng binhi
ayaw na niyang kalumbayan sa puso'y manatili
nais niyang ang puso ng mahal ay maipagwagi