Miyerkules, Pebrero 14, 2024

Happy civil wedding anniv, mahal ko

HAPPY CIVIL WEDDING ANNIV, MAHAL KO

oo, kinasal kami ng Araw ng mga Puso
kasabay ng limampu't walo pang magkasintahan
binasbasan ng alkalde, Araw ng mga Nguso
pagkat naghalikan sa nasabing kasalang bayan

happy wedding anniversary, mahal kong diwata
patuloy ang pagsinta ng irog mong mandirigma
patuloy man akong lingkod ng uring manggagawa
at sekretaryo heneral ng samahang dalita

di ako magpapabaya sa tahanan, O, irog
guminhawa man ang buhay o umaalog-alog
magsisikap tayo upang marating ang tugatog
ng tagumpay kahit ang araw natin ay lumubog

muli, Happy Civil Wedding Anniversary, mahal
bagamat pangunahing bilihin ay nagmamahal

- gregoriovbituinjr.
02.14.2024

Expired ngayong Araw ng mga Puso

EXPIRED NGAYONG ARAW NG MGA PUSO

nilitratuhan ko ang nakasulat
na expiration ng isang tinapay
ngayong Araw ng mga Puso pala
ang petsa, kaya dapat kainin na

nakita iyon sa isang lamesa
na tila baga kaysarap ng lasa
ngayong araw ang expiry date niya
kasabay nitong araw ng pagsinta

ma-expire man ang tinapay, sige lang
basta di ang puso o ang pag-ibig
dahil habambuhay ang pagniniig
ng dalawang pusong di palulupig

tinapay, may expiration, subalit
di ang pagsinta, pagkat ito'y higit
na matimbang, puso'y may malasakit
lalo't pagsinta'y kusa, di pinilit

- gregoriovbituinjr.
02.14.2024

Ang kyut na kuting

ANG KYUT NA KUTING

nabidyuhan muli ang kyut na kuting
na aking nasilayang bagong gising
kanina nga siya'y himbing na himbing
habang ako ay may kinukutinting

kampante, parang di ako nakita
o nais kinukunan ng kamera
para bang ikinatutuwa niya
na ako nama'y di nakagambala

baka siya'y may kung anong naisip
baka natandaan ang panaginip
tila di maunawa ang nalirip
buti't ginising ko't siya'y nasagip

O, alagang kuting, pahinga muna
mamaya na lang, maglalaro kita

- gregoriovbituinjr.
02.14.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1475237340088784