Sabado, Marso 28, 2026

Krisis sa klima at panawagang Wealth Tax

‎KRISIS SA KLIMA AT PANAWAGANG WEALTH TAX
‎kaytinding epekto ng klima at polusyon
‎may mga bagyo, bahâ, init ng panahon
‎nawawasak ang kalikasan, may korapsyon
‎sa mga flood control projects, di biro iyon
‎pag-unlad ba pag wasak na ang kalikasan
‎dahil sa mga coal plants at mga minahan
‎ang biglaang pagkasunog ng talahiban
‎apektado'y kalusugan ng mamamayan
‎sobrang init, sobrang lamig, pabago-bago
‎ang klima, anong dapat gawin ng gobyerno?
‎ayuda ba'y sapat ipantulong sa tao?
‎pa'no kung sa kurakot napunta ang pondo 
‎epekto sa kabuhayan, kaytinding gutom
‎may gagawin tayong makabuluhan ngayon
‎palagdaan sa bayan ang ating petisyon
‎ang "Asian People's Petition for Wealth Taxation"
‎mga pondong dagdag, sa Wealth Tax dapat kunin
‎upang ipantulong sa mamamayan natin
‎sa nasalanta sa kalamidad sa atin
‎buwisan ang bilyonaryo ang ating hiling
‎dapat nang buwisan ang mga mayayaman!
‎"Wealth tax, ngayon na!" ang sigaw ng sambayanan
‎sama-sama tayong petisyon ay lagdaan
‎wealth tax na! mga bilyonaryo na'y buwisan
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎* kinathâ at binigkas bilang ulat ng Group 1 (epekto sa nasalanta ng bagyo, bahâ, polusyon, atbp.) sa workshop at talakayan hinggil sa Wealth Tax

Ang LPG at ang Wealth Tax

ANG LPG AT ANG WEALTH TAX
‎presyo ng LPG na'y sisirit
‎kada tangke, one thousand five hundred
‎mga mamamayang nagbuBUWIS
‎ay talaga ngang mabuBUWISit
‎dagdag pahirap na sa pamilya
‎ang pagkain ba'y titipirin na
‎sa nangyayaring ito sa masa
‎ay di na sasapat ang ayuda
‎dapat buwisan ang bilyonaryo
‎at di ang mga dukha't obrero
‎panawagan iyan sa gobyerno
‎"Wealth Tax, ngayon na!" sigaw ng tao
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎* litrato mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2026
‎* kinathâ at binigkas ang tulâ habang dumadalo sa talakayan sa Wealth Tax

‎Sapul ng editorial cartoon

‎SAPUL NG EDITORIAL CARTOON
‎sapul ng editorial cartoon
‎ang pulso ng madlâ 
‎pati na pusâ ay tumugon
‎kaytalim ng diwà
‎ngunit ating mauunawaan
‎ang kanyang trabaho
‎upang di mag-panic ang bayan
‎upang di gumulo
‎subalit ramdam naman natin
‎yaong nangyayari 
‎kaytaas ng mga bilihin
‎sinong masisisi
‎ngunit may patamà ang pusà
‎bansa'y paraiso
‎pag sila raw ay nagsalitâ
ito ba'y totoo?
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎* litrato mulâ sa pahayagang Bulgar, Marso 28, 2026

Trabaho kong maghabi ng salitâ

‎TRABAHO KONG MAGHABI NG SALITÂ
‎bilang manunulat, bilang makatâ
‎trabaho kong maghabi ng salitâ
‎isyu'y ipinararating sa madlâ
‎mga inakda'y inilalathalà
‎madalas, kinakatha'y kwento't tulâ
‎minsan naman, lilikhâ ng pabulâ
‎nobela nama'y pangarap maakdâ
‎sa pahayagan ay nangangasiwa
‎tutula't tutulâ kahit tulalâ
‎nais kong bawat araw ay may tulâ
‎at sana'y maisaaklat ang akdâ
‎na sana'y mapagkaperahang lubhâ
‎trabaho kong kumathâ ng kumathâ
‎mangalap ng mga isyu't balità
‎kinakatas anumang nasa diwà
‎ganyan ang sa araw at gabi'y gawâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.28.2026
‎* litrato mulâ sa larong Word Connect sa selpon

Salamat sa saging at itlog

SALAMAT SA SAGING AT ITLOG

matapos ang Kalbaryo ng Maralita
ay pinabaunan ng saging at itlog
di nakain sa rali, inuwing sadya
pagkain ngayong umaga at nabusog

salamat sa kasamang nagbigay niyon
na dapat ay kahapon ko pa kinain
salamat at ako'y may almusal ngayon
ako'y pinalakas ng itlog at saging

buti't naalalang nakalagay sa bag
kaya daga'y walang makain kagabi
inilagay agad sa ref ng magdamag
bagamat may pusa, di siya mahuli

at muli, salamat sa mga kasama
talagang kasangga sa pakikibaka

- gregoriovbituinjr.
03.28.2026