Miyerkules, Agosto 22, 2012

Saturnino Fabros, Ehemplo ng Kahinahunan


SATURNINO FABROS, EHEMPLO NG KAHINAHUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

ngayon, isa na namang siga ng lansangan
ang nagpakita ng pangit na kaasalan
mabuti't walang baril, siya'y nanapak lang
ang sinapak, pinakita'y kahinahunan

ang traffic enforcer, si saturnino fabros
ulo'y malamig sa gitna ng pambabastos
sa kanya ng mayamang sa isip ay kapos
pagkatao niya'y sinagasa ng unos

sinapok sa panga ng mayabang na praning
di pumalag, mga anak ang nagtumining
anim na anak ay baka walang makain
kahit pagkatao niya'y nilagyang dusing

ngunit sa aming mga nakabatid nito
pagpupugay po sa pagkamahinahon mo
sa gitna na buhay mo'y nasa delikado
naging matatag ka sa gitna ng perwisyo

wala man sa minimum wage ang iyong sahod
pinagtiiisang parang kalabaw ang kayod
ehemplo ka ng katatagan, may gulugod
naging tapat sa tungkulin, di nanikluhod

salamat po sa iyo, isa kang ehemplo
ng katatagang dapat taglayin ng tao
sana’y di na maulit ang nangyaring ito
dangal ng ating kapwa'y dapat irespeto

Sa Pagkatha't Pagkain


SA PAGKATHA'T PAGKAIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
18 pantig bawat taludtod

huwag muna akong / pakikialamang / tawaging kumain
lalo't sa panahong / kumakatha ako'y / huwag abalahin

mahalaga'y huwag / mawala ang mga / katagang naisin
kaya pasensya na / kung di muna kita / agad pinapansin

ayoko lamang na / sa bawat pagkatha / ako'y nabibitin
pagkat parirala't / salitang mawala'y / kayhirap isipin

may panahon naman / huwag mag-alala't / ako ri'y kakain
maraming salamat / sa pag-aalala't / ako'y patawarin