Linggo, Abril 11, 2021

Kwadernong pangkalikasan 4

KWADERNONG PANGKALIKASAN 4

tubig ay huwag aksayahin
ang luntiang gubat ay damhin
lunting syudad ay pangarapin
mithing lunti sa mundo natin

salamat sa kwadernong lunti
sa panawagan nito't mithi
kalikasa'y mapanatili
na isang pagbakasakali

na marinig ng mamamayan
ang ating Inang Kalikasan
na puno ng dusa't sugatan
at dapat nating malunasan

tambak na ang basurang plastik
kaya ako'y nageekobrik
dagdag pa ang pagyoyosibrik
na tungkuling nakasasabik

ayusin ang basurang kalat
linisin sa layak ang dagat
nagkakalát sana'y malambat
habang di pa huli ang lahat

walang aayos ng ganito
kundi tayo ring mga tao
dapat nang ayusin ang mundo
at sistema'y dapat mabago

- gregoriovbituinjr.

Kwadernong pangkalikasan 3

KWADERNONG PANGKALIKASAN 3

magaling ang lumikha ng mga kwadernong iyon
mulat sila sa problema ng kalikasan ngayon
anong nangyari nang manalasa ang baha noon
anong epekto sa bayan, saan na paroroon

tatak-pangkalikasan sa kwaderno'y mapagmulat
ekolohiya'y suriin, kumilos tayong lahat
kalikasa'y alagaan, tayo'y hinihikayat
baguhin ang sistema sa mundo ang kanyang banat

tatak-pangkalikasan sa kwaderno'y mapang-usig
humihiyaw ang kalikasan, di natin marinig
kapitalismo'y mapanira, dulot ay ligalig
pagmimina, pagtrotroso, limpak na tubo'y kabig

dinggin ang tinig ng kalikasan, ang kanyang hiyaw
islogan sa kwaderno'y tila sa dibdib balaraw
mga nakasulat doon ay pawang alingawngaw
ng Inang Kalikasang ngayon ay pumapalahaw

maraming salamat, may mga ganitong kwaderno
na nagpapaalala sa mag-aaral, sa tao
na alagaan ang kalikasan, ang buong mundo
panawagang ito'y isabuhay nating totoo

- gregoriovbituinjr.

Kwadernong pangkalikasan 2

KWADERNONG PANGKALIKASAN 2

kalikasan ay alagaan natin
ito'y isang mahalagang tungkulin
na kung sa mundong ito'y dadanasin
ang kalamidad ay mabawasan din

tatak-pangkalikasan sa kwaderno
ay tagapagpaalala sa tao
na huwag magpapabaya sa mundo
kung di man, maging handa sa delubyo

kayrami nang nakaranas ng Ondoy,
ng Yolanda, na unos ang nagtaboy
sa atin sa tahanan, ay, kaluoy
dati'y may bahay ay naging palaboy

nagbabago't nagbabaga ang klima
sa pagharap dito'y handa ka na ba?
polusyon sa kalusugan ng masa
tubig na kaymahal, naaaksaya

paalala sa kwaderno'y kaygaling
na sa masa'y talagang nanggigising
islogan sa kwaderno'y ating dinggin
kalikasan ay alagaan natin

- gregoriovbituinjr.

Kwadernong pangkalikasan 1

KWADERNONG PANGKALIKASAN 1

mga kwadernong iyon ay binili ko kaagad 
sapagkat kalikasan yaong sa akin bumungad
bumunot sa bulsa, sana'y di kulang ang pambayad
pinili ko'y mga pangkalikasang sadyang hangad

bumili muna ng lima dahil kulang ang pera
sana'y di agad maubos, sana'y makabili pa
bukas pa mababalikan ang kwadernong kayganda
kinabukasan nga bumalik, binili'y anim pa

ang balak ko rito'y pangregalo sa inaanak
upang habang maaga'y mamulat sa tinatahak
alagaan ang kalikasan, bundok, ilog, lambak
upang malunasan ang sugat nitong nagnanaknak

oo, dahil sa tao, may sugat ang kalikasan
dahil paligid natin ay ating dinudumihan
dahil daigdig natin ay ginawang basurahan
dahil plastik ay naglipana na kung saan-saan

mga kwaderno'y nagtataguyod at nagmumulat
upang kalikasan ay alagaan nating sukat
upang di malunod sa mga basura sa dagat
sa lumikha ng kwaderno'y marami pong salamat

- gregoriovbituinjr.