Sabado, Enero 25, 2014

Kami'y Kilusang Kartilya

KAMI'Y KILUSANG KARTILYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nakasaad sa Kartilya'y ginagampanang husay
inukit na namin ito sa puso't diwang taglay
mga aral ng Kartilya'y aming sinasabuhay
nawa sa pagtalima rito, kami'y magtagumpay

gabay sa pagkatao itong laman ng Kartilya
kabutihang-loob sa sinuman, lalo sa masa
gabay ng karaniwang tao't mga aktibista
pakikipagkapwa-tao lagi ang inuuna

iyang Kartilya'y sinulat ng bayaning Jacinto
ipinalaganap ng Katipunan, ng Supremo
tagos sa puso, banal na adhika, prinsipyado
kabutihang-asal na uukit sa pagkatao

noon pa'y inukit sa puso ang Kartilyang muhon
ng kaakuhan naming kumikilos hanggang ngayon
patuloy na sinasabuhay ang Kartilya ngayon
na kung susuriin ay pandaigdigan ang layon

kaya, kaibigan, ang Kartilya'y iyong basahin
bawat nilalaman nito'y laging pakaisipin
sa iyong mananamnam, di ba't matutuwa ka rin
halina't ang Kartilya'y yakapin mo ri't angkinin