Sabado, Hunyo 18, 2022

Sunken garden

SUNKEN GARDEN

kaysarap na tambayan ang paligid na mapuno
dinig mo ang mga kuliglig sa pag-aawitan
animo kuliglig ay naghahandog ng pagsuyo
sa kasintahan o marahil sa sangkatauhan

kaylinis dito't anong sarap ng simoy ng hangin
tila walang kalat maliban sa balat ng kendi
kaysarap magpahinga't nakaraan ay nilayin
tulain ang karanasan gaano man katindi

tila ba nasa kanayunan at ako'y malusog
tila ba walang karamdaman o anumang sakit
narito ako sa gubat sa lungsod, aking irog
paligid ay dinaramang nakatitig sa langit

sa panahong ganito, itinutula'y pag-ibig
sa ibang panahon, itinutula'y isyu't tindig

- gregoriovbituinjr.
06.18.2022

Dalawang puno

DALAWANG PUNO

animo'y binti ng kapre
ang mga naroong puno
na sa aking guniguni
ay bigla namang naglaho

totoo kayang may kapre,
manananggal at tikbalang?
gaano sila kalaki?
sila ba'y may pusong halang?

nakunan ko ng litrato
ang dalawang punong iyon
dahil iba ang sipat ko
gana ng imahinasyon

namalikmata na naman
sa pagpitik ng kamera
di ba nagulumihanan
sa mga pinagkukuha?

- gregoriovbituinjr.
06.18.2022

Pangarap

PANGARAP

muling mag-aral ang pangarap ko
nais tapusin ang kolehiyo't
makatapos din ng doktorado
habang tangan pa rin ang prinsipyo

noon ay umalis ng eskwela
upang magpultaym na aktibista
hanggang maging laman ng kalsada
nakulong, lumaya't patuloy pa

kurso'y math, nais mag-inhinyero
napunta sa pangkampus na dyaryo
sa pagsusulat naging seryoso
hanggang niyakap ang aktibismo

pinupuna ang abuso't bundat
sa dyaryo ng dukha't nagsasalat
dyaryo ng obrerong mapagmulat
kinakatha'y kwento, tula't ulat

ah, mas mabuti nang may tinapos
upang respetuhin ka ng lubos
at naghahandang makipagtuos
sa mga tuso't mapambusabos

- gregoriovbituinjr.
06.18.2022

Sining

SINING

isang pagkakataon ang darating na palihan
upang aking mapaghusay pa yaring kakanyahan
matuto't mapaunlad ang niyakap na larangan
palihan itong buong puso kong pagsisikapan

bihirang mabigyan ng ganitong pagkakataon
di ko sasayangin ito't bibigyan ng panahon
tulad niring mga akdang kaytagal kong tinipon
na pawang tirintas ng tindig, danas ko't kahapon

sasagupa akong muli sa walang katiyakan
na tangi kong magagawa, sining ko'y paghusayan
isapuso't isadiwa bawat napag-aralan
kahit may batikos o mga punang maramdaman

sige, humayo ka, goryo't pagbutihin ang sining
kumatha ka ng kumatha, malagot man ang bagting
itula mo ang kadakilaan ng magigiting
habang pinupuna ang mga kuhila't balimbing

- gregoriovbituinjr.
06.18.2022