Huwebes, Mayo 6, 2021

Panaghoy ng maglulupa

PANAGHOY NG MAGLULUPA

patuloy ang pakikibaka bilang maralita
at ipaglaban ang karapatan ng kapwa dukha
patuloy sa pagkilos ang tulad kong maglulupa
upang itaguyod ang tindig, prinsipyo't adhika

dapat tuluyang palitan na ang sistemang bulok
na pang-aapi't pagsasamantala'y mula rurok
ng lipunang sanhi ng maraming paghihimutok
ng madlang dahil sa kahirapan ay nakalugmok

ako'y maglulupang nagnanasa ng pagbabago
ng lipunang ang naghahari'y mga asendero,
negosyante, kapitalista, elitistang tuso
na tanging pribilehiyo'y pag-aaring pribado

ako'y maglulupang ang nais ay lipunang pantay
na pagbuo ng makataong sistema ang pakay
ang hustisya'y kunin, pagkat di kusang ibibigay
at karapatang pantao'y itaguyod ng tunay

ako'y maglulupang maraming isyung tinatagos
sa isyung kalikasan, basura, plastik at upos
sa isyung pabahay, magkabahay kahit hikahos
sa isyung obrero, kontraktwalisasyon, matapos

oo, ilaban ang karapatan at katarungan
tungo sa pagtatayo ng makataong lipunan
di makasarili, buhay na'y inalay sa bayan
maglulupang naninindigan hanggang kamatayan

- gregoriovbituinjr.

World No Tobacco Day ang huling araw ng Mayo

World No Tobacco Day pala'y huling araw ng Mayo
at sa gawaing pagyoyosibrik ay naririto
United Nations umano ang may pakana nito
upang marami'y tumigil na sa pananabako

pagkat tayo'y may karapatan daw sa kalusugan
at malusog na pamumuhay sa sandaigdigan
upang pangalagaan din daw ang kinabukasan
ng mga susunod pang salinlahi't kabataan

ang World Health Assembly'y nagpasa ng resolusyon
upang maiguhit ang pandaigdigang atensyon
sa pagkamatay at sakit na nangyayari noon
dulot ng tabako't paninigarilyo ng milyon

at huling araw ng Mayo'y kanilang itinakda
bilang World No Tobacco Day, pinaalam sa madla
ngunit kayraming kumpanyang ito ang ginagawa
kung ipasara'y walang trabaho ang manggagawa

ang tabako't sigarilyo'y parehong hinihitit
may epekto sa katawan, yosi man ay maliit
tindi ng epekto sa baga'y  nagdulot ng sakit
basurang upos nama'y iniintindi kong pilit

gayunman, sang-ayon ako sa konseptong kayganda
tinutukan ko naman ay upos na naglipana
pagyoyosibrik ko'y pagbabakasakali muna
baka sa mga upos ng yosi'y may magawa pa

- gregoriovbituinjr.

* ayon sa World Health Organization: 
"In 1987, the World Health Assembly passed Resolution WHA40.38, calling for 7 April 1988 to be "a world no-smoking day. In 1988, Resolution WHA42.19 was passed, calling for the celebration of World No Tobacco Day, every year on 31 May."

Salimbubog

SALIMBUBOG

kung dikyang kulay puti'y palutang-lutang sa dagat
mayroon din palang dikyang itim sa tubig-alat
salimbubog ang tawag kaya huwag malilingat
baka mangati ka kaya sa pagligo'y mag-ingat

bakit kaya ito pinangalanang salimbubog
dahil pag natibo ka nito'y para kang nabubog
salitang Hiligaynon, na maganda nang isahog
sa pagtula ng may pagsuyo, saya, hapdi't libog

kung kasama pa ang pamilya'y pag-ingatang lalo
at patnubayan ang mga anak sa paliligo
pag nakagat ng salimbubog ay masisiphayo
o kung dikya man iyon ay tiyak na manlulumo

mag-ingat sa dikyang puti't salimbubog na itim
mag-ingat sa dikya't salimbubog lalo't dumilim
lalo't naglulunoy na may problemang kinikimkim
lalo't nagbababad sa tubig ng may paninimdim

samutsaring suliranin man ay di matingkala
batid man ang kapaligira'y pag-ingatang kusa
baka madale ng salimbubog ay matulala
at madarama'y nakakagulo sa iyong diwa

- gregoriovbituinjr.

* salimbubog - dikya na kulay itim, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1087

Community pantry ng mga Pinoy sa Thailand




COMMUNITY PANTRY NG MGA PINOY SA THAILAND

di na lang sa Timor Leste kundi sa Thailand na rin
ang diwa ng community pantry ay nakarating
sadyang ang bayanihan ay damayang anong galing
pati O.F.W. na pamilya'y di kapiling

patunay itong buhay na buhay ang bayanihan
na sa kabila man ng pandemya'y nagtutulungan
nasa Thailand man, magbigay ayon sa kakayahan
at kumuha lang ayon sa iyong pangangailangan

nangibangbayan na kayo upang magsakripisyo
malayo sa pamilya'y doon nakapagtrabaho
sino pa bang magtutulungan kundi kayo-kayo
ang bayanihan nga'y dinala sa lupa ng dayo

tunay na kulturang di lang sa libro mababasa
nagbabayanihan na, nagdo-door-to-door pa sila
salamat, kayo'y sadyang kahanga-hangang talaga
tunay na mga bayani ng bayan at pamilya

- gregoriovbituinjr.

Ang magtanim ng puno

ANG MAGTANIM NG PUNO

sinabi noon ng isang polimatong Bengali
at makatang nagngangalang Rabindranath Tagore
ang magtanim ng puno, mag-alaga't magpalaki
kahit sa lilim nito'y di sumilong o tumabi
ay nauunawaan na ang buhay na sakbibi

sa sinabi ako'y nagpapasalamat ngang sadya
bilang napaisip at talagang napatingala
dapat na akong magtanim ng puno't magsimula
pagtatanim ko sa paso'y ngayon ko naunawa
na sa kalikasan at sa kapwa'y may magagawa

halina't magtanim ng puno upang mga ibon
ay may matatahanan kung saan sila hahapon
mga ibong malaya, sa hawla'y di ikukulong
at mga tao'y sa lilim ng puno magkakanlong
pipitas ng bunga nito nang maibsan ang gutom

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google