Huwebes, Oktubre 24, 2013

Ako yaong mga katagang sa iyo'y yayakap

AKO YAONG MGA KATAGANG SA IYO'Y YAYAKAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ikaw ang tangi kong musa nitong mga pangarap
na inaalayan ng mabubunying pangungusap
ang bawat talata'y pinag-iisipan nang ganap
ang mga saknong sa tula'y bunga ng pagsisikap
ako yaong mga katagang sa iyo'y yayakap.

ikaw ang diwata sa gubat ng aking panimdim
nadarama mo ba ang pighati niring damdamin
tila ba pag wala ka ako'y laging nasa dilim
pinuputakti ng kung ano yaong salamisim
O, diwata, kailan kita muling maaangkin?

lagi kitang kayapos sa pangarap at lansangan
kita'y malimit magkita sa bawat panagimpan
magkalapit nga tayo ngunit magkalayo naman
dahil ba ako'y kataga lamang? ngunit tandaan:
ako'y kakatha pa rin maging doon sa libingan.

Sa pagyakap ng mga kataga


SA PAGYAKAP NG MGA KATAGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

niyakap ng kataga ang lumbay niring loob
habang doon sa putik ako'y nakasubasob
tila humahalakhak ang buong sansinukob:
makata ka, makatang sa tula'y sakdal rubdob

papuri nga ba iyon o isang panlalait
bakit ngingisi gayong ako na'y nasa gipit
kataga'y yumayapos sa akin nang mahigpit
sa kaibuturan ko'y pumapasok ng pilit

yaong mga kataga sa akin ay nangusap
nangakong ililipad ako sa alapaap
doon kami'y lilikha ng mga pangungusap
taludtod, saknong, hanggang maabot ang pangarap

ako'y tatangayin din sa ilalim ng laot
sari-saring damdamin doon malalamuyot
maraming kaalamang akin ding mahahakot
na sa pagkatha'y di na tinik ang mabubunot

maraming salamat po sa inyo, O, kataga
pagyapos mo sa akin ay isang pagpapala
patuloy yaring diwa sa pagkatha’t paglaya
pluma'y paglilingkurin sa manggagawa't dukha