Sabado, Hunyo 13, 2020

Sa panahon ng mga robot

Sa panahon ng mga robot

sinanay sila upang maging mga ala-robot
sumunod lang sa chain-of-command at huwag sumagot
sinanay sa "yes sir", tiger look na nakakatakot
sinanay raw nang sa laban ay di lalambot-lambot

kaya trato nila sa mga sibilyan ay plebo
na papaluin lang upang disiplinahin ito
hazing sa akademya'y dinala nila sa tao
babanatan agad ang pasaway o kalaboso

kaya sa kwarantina'y walang kara-karapatan
ang mamamayang tinatrato nang parang kalaban
nirerespeto lang nila'y naghahari-harian
tingin sa sarili'y mas mataas kaysa sibilyan

kasangkapan lang sila ng dalahirang rehimen
tanging kakampi niya't sunud-sunurang alipin
kaya sa Terror Bill ay gigil isabatas na rin
na siyang magtatanggol sa pangulong utak-lumpen

ganyan ang utak ng mga robot na palamara
mabuti pang maalis ang lupit ng istruktura
at maitayo ang totoong depensa ng masa
mula sa mamamayang marunong makipagkapwa

karapatang pantao'y kanilang iginagalang
bawal sa kanila ang E.J.K. o pamamaslang
dinadaan sa wastong proseso ang bawat hakbang
sinanay silang magalang, di maging salanggapang

#JunkTerrorBillNow
#AyawNaminSaTerorismoNgEstado

- gregbituinjr.
06.13.2020

Bakit nga ba ang manok ay dapat pinapakain

bakit nga ba ang manok ay dapat pinapakain
dahil pag nangitlog ito, itlog ay lulutuin
pinapakain upang balang araw ay kainin
ganyan ang buhay ng mga manok na alam natin

tanong nila: alin ang nauna, itlog o manok?
na tanong ng namimilosopong di naman bugok
saan galing ang itlog? sa manok na kumukukok
saan galing ang manok? sa itlog ng taktalaok

naglipana ang manok na inihaw o pinrito
mayroong Andoks, Baliwag, Señor Pedro, chooks-to-go
sa karinderya'y kayraming manok na inadobo
sa Jollibee't McDo nga'y sikat din ang mga ito

ganyan nga kahalaga ang manok na alagain
di lang panabong kundi sa pamilya'y pang-ulam din
ngunit ako'y nag-vegetarian, iniwasan na rin
ang manok, kundi isda't gulay na'y hilig kainin

- gregbituinjr.

Maging alisto sa patalon-talong password sa fb

sa pagtipa ng email sa facebook, maging alisto
lalo na't biglang patalon-talon ang password nito
at maiiwan doon sa lalagyan ng email mo
kaya yaong makakakita sa facebook mo'y may clue

aba'y pag kumabit ang password mo sa iyong email
baguhin mo agad ang password mo upang mapigil
ang makaalam nito, baka magamit ng sutil
at palitan ang password mo ng sinupamang taksil

kaya sa password na patalon-talon ay mag-ingat
baka sa internet shop ay maiwanan mong sukat
maging alisto kang lagi nang huwag kang malingat
mahirap nang iba ang sa facebook mo makabuklat

parang lagakan ng iyong talambuhay ang facebook
akda, litrato, alaala'y diyan mo sinuksok
kaya pag-ingatan ito nang di ka rin malugmok
nang di maisahan ng matalinong asal-bulok

- gregbituinjr.
06.13.2020