Biyernes, Enero 9, 2026

Di sapat ang tulog

DI SAPAT ANG TULOG

matutulog na ng alas-diyes
mabuti iyan sa kalusugan
ngunit nagigising ng alas-tres
ng madaling araw, madalas 'yan

limang oras na tulog ba'y sapat?
gayong walong oras yaong payò
bakit alas-tres na'y magmumulat?
walong oras bakit di mabuô?

buting gumising ng alas-sais
mabuti iyon sa kalusugan
sa walong oras ay di na mintis
maganda pa sa puso't isipan 

subalit tambak ang nalilirip 
pag nagising ng madaling araw
isusulat agad ang naisip
kakathâ na kahit giniginaw

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Sa 2nd Black Friday Protest 2026

SA 2ND BLACK FRIDAY PROTEST 2026

di mapapawi ang galit ng sambayanan
laban sa mga nangungurakot sa kaban
ng bayan, buwis na dinambong ng iilan
para sa sarili lang nilang pakinabang

dapat magpatúloy pa ang pakikibaka
laban sa mga kurakot at dinastiya
upang masawata na ang pananalasa
ng kurakot, patuloy tayong magprotesta

kahit di sabay-sabay o marami tayo
ipakitang sa buktot galit na ang tao
kurakot, buktot, balakyot, pare-pareho
silang dapat managot, dapat makastigo

sa pangalawang Black Friday Protest ng taon
patuloy pa rin nating isigaw: IKULONG
na 'yang mga kurakot, trapong mandarambong!
huwag hayaang tumakbo pa sa eleksyon!

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Pasasalamat

PASASALAMAT

salamat sa nagla-like sa tulâ
dahil sa inyo, gising ang diwà
at harayà ng abang makatâ
kahit tigib ng lumbay at luhà

kayo, ang masa, ang inspirasyon
upang ipagpatuloy ang misyon
sa wikang Filipino at nasyon
upang tuparin ang nilalayon

mapagkumbaba akong saludo
sa inyo, kapwa dukha't obrero
kung wala kayo, walâ rin ako
salamat, pagpupugay sa inyo!

tunay ngang ang masa ang sandigan
nitong makatâ para sa bayan
kayrami nating pinagsamahan
at marami pang pagsásamáhan

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026