Linggo, Oktubre 26, 2014

Inspiradong mensahe ni Meyor Ubaldo ng Matnog

INSPIRADONG MENSAHE NI MEYOR UBALDO NG MATNOG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

hapon noon, mainit kaming tinanggap sa Matnog
kami'y sinalubong nilang tila artistang bantog
sa liwasang harap ng munisipyo nagprograma
kayraming tao, Climate Walkers ay pinakilala
nagsalita si Yeb, umawit din ng 'Tayo Tayo'
makahulugan ang mensahe ni Meyor Ubaldo

aniya, political career niya'y itataya
upang tiyaking kalikasan ay mapangalaga
at ang illegal fishing ay tuluyan nang matigil
lalo na ang dinamitang sa dagat kumikitil
ng mga isang maliit pa't ibang lamandagat
huhulihin ang mga mapanira't nagkakalat

mga tinuran niya'y nagbigay ng inspirasyon
at sa bawat naroroon, nagsilbi itong hamon
tiyak, binigyang-sigla nito ang nakararami
upang bawat isa'y tumulong, gawin ang mabuti
sa inyong mensahe, Meyor, maraming salamat po
asahan nyong dala namin ito sa aming puso

- Km 646, bayan ng Matnog, lalawigan ng Sorsogon, Oktubre 26, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Mga handog ng taumbayan sa Brgy. Pawa, Matnog, Sorsogon

MGA HANDOG NG TAUMBAYAN SA BRGY. PAWA, MATNOG, SORSOGON
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

kaysarap maramdamang sa inyo'y may sumalubong
na taumbayang kanilang ani'y pinasalubong
rambutan, upo, sitaw, sari-saring bigay iyon
ng taumbayang may pagsintang pitak ng panahon

habang naglalakad, sila'y sumalubong sa amin
pinitak ng pagsinta't pag-asa'y inihandog man din
inalay katiting man ng pag-ibig nilang angkin
taos-pusong pasasalamat nama'y alay namin

mga inaning prutas nila't iba'tibang gulay
sa mga nasa Climate Walk ay taos-pusong alay
kasiyahan sa aming puso'y umapaw na tunay
karaniwang tao, magsasaka yaong nagbigay

- Oktubre 26, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda.