Lunes, Abril 10, 2023

Mula sa Parnaso

MULA SA PARNASO

tapos na ang mahabang bakasyon
sa malayong paraisong iyon
luluwas muli sa lungsod ngayon
upang magbalik-trabaho roon

mag-asawa'y nakapagpahinga
nagbalik tuloy sa alaala
ang kwentong Malakas at Maganda
sa ating katutubong memorya

lilisanin na ang paraiso
na animo'y bundok ng Parnaso
ng mga makata't musa rito
mula sa sinaunang Griyego

aming dinama roon ang saya
habang sa pahinga'y nagbabasa
ng naipon kong tula't nobela
sa mga aklat na magaganda

at nagtampisaw kami sa tubig
naliligo habang magkaniig
diwata'y sadyang kaibig-ibig
na aking ikinulong sa bisig

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Libangan

LIBANGAN

sa dyaryo'y may napaglilibangan
na palagi kong inaabangan
lalo na yaong palaisipan
may payo pa sa naguguluhan

ah, nakalilibang ba ang payo
o 'yung payo'y may itinuturo
nang iwing buhay ay di gumuho
mabatid ang problema't siphayo

sa krosword ay di ka maiinip
pagkat isang hamon, nag-iisip
isasagot anumang nalirip
animo'y mayroon kang nasagip

sa ibang dyaryo'y sasagutan ko
ang palaisipan sa numero
may Aritmetik at may Sudoku
na talagang kagigiliwan mo

ganyan ang buhay ko pagkaminsan
kapag wala sa mga labanan
problema't payo'y babasahin man
ay sasagot ng palaisipan

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Pananghalian

PANANGHALIAN

tarang mananghalian
may tatlo tayong okra
sinaing na tulingan
at talbos ng kangkong pa

mga simpleng pagkain
talagang pampalusog
dito'y magsalo na rin
upang kita'y mabusog

kaysarap pag may gulay
na laging inuulam
diwa'y napapalagay
pati na pakiramdam

ang patis ng sinaing
sa kanin ko'y sinabaw
ramdam kong gumagaling
ang mata ko't pananaw

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Ang alibughang anak

ANG ALIBUGHANG ANAK

may kwentong Prodigal Son o Ang Alibugang Anak
na sa isipan ng marami'y talagang tumatak
lumayas, nagliwaliw, nagsaya, kasama'y alak
nagpasya lang umuwi nang wala na siyang pilak

Ang Alibughang Anak ay tinanggap pa ng ama
lumayas man at naghirap ay anak pa rin siya
nagpatay ng hayop, nagpiging na animo'y pista
dahil anak na kaytagal nawala'y nagbalik na

ngayon ay mayroon na namang alibughang anak
na lumiham sa dyaryo, at nalathala sa pitak
naglayas naman sa magulang na talak ng talak
nang maghirap sa pagsosolo'y pag-uwi ang balak

nagpayo namang maayos ang sinulatang guro
balikan mo ang magulang nang may buong pagsuyo
matutuwa ang magulang pag bumalik kang buo
humingi ng tawad, makinig sa aral, mangako

madalas, nauulit ang maraming karanasan
ang kwento noon ay mayroon sa kasalukuyan
mahalaga'y natututo tayo sa nakaraan
at ginagawa anong tama sa kinabukasan

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

* litrato mula sa pahayagang Bulgar, Abril 10, 2023, pahina 9

Sigaw pa rin ay hustisya matapos ang kwaresma

SIGAW PA RIN AY HUSTISYA MATAPOS ANG KWARESMA

may Muling Pagkabuhay, Easter Sunday ng Kristyano
matapos ang tatlong araw ay nabuhay si Kristo
habang inaalala ang tinokhang ng berdugo
kayraming biktimang batang inosenteng totoo

buti si Kristo, nabuhay sa Muling Pagkabuhay
yaong mga natokhang, di na talaga binuhay
di kasi sila si Kristo, sila'y basta pinatay
buti si Dimas, kasama si Kristo nang mamatay

kayraming ina ang hanggang ngayon ay lumuluha
dahil buhay ng anak nila'y inutas, nawala
pinaslang sa atas ng poon ng mga kuhila
kahit di nanlaban, gawing nanlaban, atas pa nga

lumutang sa dugo ang mga nabiktima nito
Kian pa ang pangalan ng isa, tandang-tanda ko
"May pasok pa ako bukas..." ang huli nitong samo
ngunit siya'y dinala roon sa kanyang kalbaryo

buti si Kristo, buhay; sila'y nanatiling bangkay
hanggang ngayon, kayraming inang lumuluhang tunay
nahan ang hustisya! ang sigaw nilang nalulumbay
makamit sana ang hustisyang asam nila't pakay

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Isang bandehang itlog

ISANG BANDEHANG ITLOG

matapos ang Easter Sunday at Easter egg hunt
na di naman namin talaga sinalihan
isang bandehang itlog ang binili naman
nang may ulam sa umaga hanggang hapunan

bagamat di ako kumakain ng manok
dahil pawang isda't gulay ang nilulunok
nag-iwas-karne, vegetarian ay sinubok
ngunit pampalusog daw ang itlog ng manok

minsan, isasapaw sa kaning iniinin
minsan, babatihin muna bago lutuin
minsan, sa kamatis sibuyas gigisahin
minsan, sa sardinas naman paghahaluin

madalas, iba't ibang luto'y ginagawa
mga ito'y lulutuin hangga't sariwa
dahil sayang lang pag nabugok at nasira
ang ginastos ng bulsa'y mababalewala

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

D + DI = MI

D + DI = MI

dapat maagap ang isip anong ibig sabihin
ng tanong na letra rin ang dapat isagot natin

buti't naalalang ekwasyon sa matematika
Roman numeral na dapat sagutin kapagdaka

D plus D. I. ekwals M. I., ang tamang sagot diyan
na "five hundred plus five hundred one equals one thousand one"

nakakatuwang nasasagot natin ang ekwasyon
sa palaisipan ng Pilipino Star Ngayon

ito ang napagtuunan ng diwa nang magising
nang dinalaw ng mutya mula sa pagkakahimbing

nakakagana ng diwa habang may libreng oras
dahil sa mga katanungang agad nawawatas

nakatuwaang magsagot kahit madaling araw
habang nagkakape't tinapay pa't ramdam ang ginaw

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Abril 9, 2023, p. 10