Lunes, Hulyo 1, 2013

Nais kong bumili ng gitara

NAIS KONG BUMILI NG GITARA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

maganda raw ang tinig ko, sabi ni ina
gamitin ko raw ang talentong ito, anya
sa bahay namin, noong kaarawan niya
sa bidyoke'y lagi akong kanta ng kanta

pagkanta'y paghusayin, maging praktisado
ang Talentadong Pinoy daw ay subukan ko
ngunit pangbidyoke lang ang boses kong ito
gayunman, inay, salamat sa tiwala mo

ngunit ako'y makata, hindi manganganta
pawang mga tula ang katha sa tuwina
ano kaya't bumili ako ng gitara
lagyan ng tono ang mga tulang gawa na

marahil ito ang dapat kong pagsikapan
aaralin kong maggitara sa tahanan
tula'y lagyang himig, akin ding susubukang
umawit sa pista, bertdey, rali't lansangan

manghiram ng gitara'y pahirapan mandin
ang solusyon, sariling gitara'y bibilhin
mag-iipon nang maabot ang adhikain
ang pangarap ni ina'y di ko bibiguin

- sinulat matapos basahin ang istorya ng awiting "Starry Starry Night" o Vincent ni Don MacLean

Sa Kamatayan ni Rochelle Lopez, Katulong

SA KAMATAYAN NI ROCHELLE LOPEZ, KATULONG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

(Namamaga ang kaliwang mukha, maraming latay sa katawan at mga paso ng sigarilyo sa magkabilang braso, at may malaki pang bukol sa leeg. Ganito inilarawan ni Ginang Jocelyn Lopez ang itsura ng 17-anyos na anak na babaeng si Rochelle nang kanya umano itong makita sa morgue kung saan nila pinuntahan.

Si Rochelle na namasukan bilang kasambahay ay sinasabing pinagmalupitan hanggang sa mapatay ng kanyang among babae na kinilalang si Maria Shiela Gomez y Sabanal, isang buy and sell businesswoman na naninirahan sa California Garden Square sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City. 

Napag-alaman na nasa kamay na rin ng pulisya ang suspek na si Gomez matapos na maaresto ng pinagsanib na pwersa ng Women and Children's Protection Desk (WCPD), Special Operations Group at ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development. 

- mula sa artikulong "Katulong Pinapangit Hanggang Mamatay" ni Nonnie Ferriol, Abante Sunday Tonite, Hunyo 30, 2013, pahina 3)

hindi ka batang basta lang kagagalitan
ng iyong among tila walang kamuwangan
kung ano yaong magandang kaugalian
amo mo siyang puno ng kaligaligan

may karapatan ka dahil ikaw ay tao
at di dapat basta saktan ng iyong amo
among mukhang mabait ngunit isang gago
amo mong nagwasak sa iyong pagkatao

anong demonyo ang nasa kanyang isipan
inalipin ka na, ikaw pa'y sinasaktan
anong aswang yaong nasa kanyang likuran
anong dyablo ang nasa kanyang kalooban

hustisya, hustisya, dapat itong makamit
ng mga tulad mong ang dinanas ay lupit
ang tunay na hustisya'y di dapat mawaglit
ang amo mo'y sadyang marapat na mapiit