Martes, Hunyo 14, 2022

Ang paskil sa traysikel

ANG PASKIL SA TRAYSIKEL

"Huwag ka nang lumuha." Tila iyon ang mensahe
sa paskil sa traysikel na aking nasakyan dine.
"Hindi nakakamatay yung walang jowa," ang sabi
aba'y tama naman, ngunit kasunod ang matindi:

"Ang nakakamatay eh yung wala ka nang makain."
Sapul! Kaya huwag mong iluhang di ka ligawin
kaya wala ka pang syota o dyowang maaangkin
mag-ayos ka ng sarili't magkakaroon ka rin

huwag mong basta tanggaping ganyan kasi ang buhay
na kung wala kang dyowa'y maghihimutok kang tunay
paghusayin mo kung saan ka talaga mahusay
maging mabuti sa kapwa't kakamtin din ang pakay

wala mang nag-aalaga, kumakain ang maya
ngunit ingat, naghihintay ang pangil ng buwaya;
habang may buhay, may pag-asa, kumain ka na ba?
kung hindi pa, magsalo tayo sa aking meryenda

- gregoriovbituinjr.
06.14.2022

Strawberry moon

STRAWBERRY MOON

gaano kaygandang pagmasdan ang Strawberry Moon
magkukulay strawberry kaya ang buwan ngayon
ngunit maulap ang kalangitan, panay ang ambon
magbakasakali tayo, abangan pa rin iyon

ihanda ang mga mata, pati iyong kamera
bakasakali lang na makunan mo ng maganda
o kaya'y tandaan, ilarawan sa alaala
at baka may makatha ka pang tula o istorya

O, Strawberry Moon, pagdalaw mo'y makasaysayan
anong hiwagang mayroon na dapat kang pagmasdan?
lalo sa aking plumang may kung anong hinahawan
pag-iral mo sa siyensya ba'y anong kahulugan?

karagatan ba'y taog muli pag nagpakita ka?
o sa Musa ng Panitik ay inspirasyon kita?
daraan ba'y matinding sigwa kaya nagpakita?
o tulad ng Strawberry, may masaganang bunga?

- gregoriovbituinjr.
06.14.2022

* taog - high tide
* batay sa balita ni Mang Tani Cruz sa GMA7

Uwian

UWIAN

hay, naku, mag-uuwian na naman
magbabakay muli ng masasakyan
dagsaan ang pasahero't siksikan
muli'y agawan ng mauupuan

buti't may parating nang dyip, bip-bip-bip
aba'y loob na'y bigla ngang sumikip
di na bale, sasabit na lang sa dyip
upang makauwi na't di mainip

ganyan ang buhay naming pasahero
araw-araw matapos ang trabaho
paspasan, masisinghot pa'y tambutso
buti sa dyip, bawal manigarilyo

barya'y hanap sa bulsa o pitaka
nwebe pesos, hindi, sampung piso na
nagtaas daw kasi ang gasolina
walang sukli ang sampung pisong barya

- gregoriovbituinjr.
06.14.2022

* litratong kuha ng makatang gala minsang sakay ng dyip