Martes, Marso 4, 2025

Ayaw isuko ang 'Bataan'

AYAW ISUKO ANG 'BATAAN'

isang metapora yaong nabasa naman
pananalitang nangyari sa kasaysayan
nasa pamagat ng ulat sa pahayagan:
sabi'y "Arvin ayaw pa isuko Bataan"

panahon noon ng pananakop ng Hapon
nang Bataan ay bumagsak sa mga iyon
naiba naman ang paggamit nito ngayon
ginamit sa basketbol ang salitang yaon

sa unang tatlong laro'y pulos sila talo
ngunit umaasa si Arvin Tolentino
ng Batang Pier sila rin ay mananalo
ayaw isuko ang 'Bataan' ay positibo

hanggang ngayon, Bataan ay huwag isuko
taga-Bataan man at Pinoy, di susuko
lalabanan ang mananakop at hunyango
itataguyod ang laya saanmang dako

- gregoriovbituinjr.
03.04.2025

* batay sa ulat sa pahayagang Abante, Marso 4, 2025, p.8

Tinuhog kaya bali ang pakpak

TINUHOG KAYA BALI ANG PAKPAK

matitinding pamagat sa mga balita
sa volleyball, kaytindi ng paglalarawan:
"Tin, Lady Tams tinuhog Eagles" ang ulat nga
at "Blue Eagles bali ang pakpak sa Lady Tams"

umuunlad na ang mga mamamahayag
sa pananalita nilang may metapora
kakaiba na ang kanilang pagbubunyag
tila sila'y makata sa literatura

Lady Tamaraws ang volleybelles ng FEU
ang tamaraw yaong may sungay na pantuhog
Lady Blue Eagles nama'y volleybelles ng AdMU
ang agila kung lumipad ay anong tayog

paglalarawang ito'y pang-agaw atensyon
kaya balita nila'y kaysarap basahin
na pumupukaw sa ating imahinasyon
pag-uulat nila'y tutunghayan na natin

- gregoriovbituinjr.
03.04.2025

* FEU - Far Eastern University
* AdMU - Ateneo de Manila University
* "Tin, Lady Tams tinuhog Eagles" mula sa pahayagang Abante Tonite, Marso 3, 2025, p. 8
* "Blue Eagles bali ang pakpak sa Lady Tams" mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 3, 2025, p. 8