Biyernes, Agosto 27, 2021

Hanág

HANÁG

isa na namang salita ang nakita ko ngayon
lalo't kayganda ng mensahe't kahulugan niyon
na "dignidad at karangalan sa isang posisyon"
kaygandang salita sa kasalukuyang panahon

ano ba ang dignidad sa mga may katungkulan
upang di sila magmalabis sa kapangyarihan
at maiwasan ang paggawa ng katiwalian
bakit ba karangalan ay di dapat madungisan

HANÁG ang isa nating sukatan ng pulitiko
at sa susunod na halalan ay kakandidato
di walanghiya, talagang magsisilbi sa tao
oo, HANÁG ay isang sukatan ng pagkatao

ay, siyang tunay, ganyan kahalaga ang dignidad
upang mga kawatan sa gobyerno'y di mamugad
kung sira ang HANÁG nila, sila'y dapat ilantad
upang sa pamahalaan sila'y di magbumabad.

- gregoriovbituinjr.
08.27.2021

hanág - [sinaunang Tagalog]: dignidad o karangalan sa isang posisyon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 431
* pansining sa pagbigkas, ito'y mabilis pagkat may tuldik na pahilis sa ikalawang pantig, sa tapat ng titik a, na kaiba sa hánag na iba naman ang kahulugan

Ingat

INGAT

paskil na istiker sa motor ng isang kasama
ay talagang tagos sa puso't diwa pag nabasa
bagamat mararamdaman mo yaong pambubuska
gintong paalala iyon sa paraang makwela

nakasulat doon: "Ingat ka! Tanga ka pa naman!"
nakakatawa, pang-iinis o may kabastuhan
bagamat pabiro, mahalaga'y iyong ingatan
ang pagmomotor upang aksidente'y maiwasan

sa paalalang ito tayo'y nagpapasalamat
nang sa araw-araw na pagmomotor ay mag-ingat
pang-aasar man, ang mensahe nito'y anong bigat
minsanang sakuna'y baka habambuhay kang warat

sundin na lang ang mensaheng nakapaloob doon
estilo ng pagkasabi'y pagpasensyahan ngayon
ang mahalaga'y mag-ingat saan man naroroon
na anuman ang mangyari'y pag-iingat ang tugon

- gregoriovbituinjr.
08.27.2021

Panawagan ng maralita

PANAWAGAN NG MARALITA

tingni ang tarpolin nila't kaytinding panawagan
na talagang ikaw mismo'y mapapaisip naman
krisis daw sa pagkain, trabaho at kabuhayan
ay marapat daw lutasin para sa mamamayan

ipaglaban din ang karapatan sa makatao
at abot kayang pabahay, panawagang totoo
pahayag nilang ito'y tumitimo sa puso ko
na di sila dapat maapi sa panahong ito

kahilingan nila'y dapat lang ipaglabang tunay
lalo't panawagan nila'y di kusang ibibigay
tanging sama-samang pagkilos ang kanilang taglay
upang kamtin ang adhikang di basta nahihintay

magpatuloy kayo, maralita, sa inyong misyon
sabihin ang inyong hangad kung may pagkakataon
baka hiling n'yo'y ibigay agad pag nagkataon
tara't magbakasakali upang kamtin ang layon

- gregoriovbituinjr.
08.27.2021

* litratong kuha ng makatang gala noong SONA 2021

Ligtas na bakuna para sa lahat

LIGTAS NA BAKUNA PARA SA LAHAT

sinuman ay nagnanais ng ligtas na bakuna
tulad kong unang naturukan ng Aztrazeneca
kahapon lang, upang sa sakit ay makaiwas na
kaysa sa COVID-19 ay laging nag-aalala

kahit may nababalitang may namatay raw noon
matapos mabakunahan, iba'y may eksplanasyon
di kaya sa sakit niya'y mayroong kumplikasyon
kaya bago bakunahan, kayraming mga tanong

tungkol sa kalusugan mo't nararamdamang sakit
pinababasa ang papel, dito'y di pinipilit
kung sang-ayon ka sa bakuna'y pipirma kang saglit
at kung ayaw mo, karapatan mo'y maigigiit

"ligtas na bakuna para sa lahat" yaong hiyaw
ng maralita, panawagang di dapat maligaw
kundi sa awtoridad iparinig nang malinaw
upang pumanatag ang kanilang puso't pananaw

pasasalamat sa natanggap kong libreng bakuna
ngunit sana'y ligtas nga ang mga ito sa masa
malaman lang ng taong ligtas ito'y anong saya
nang COVID-19 ay ating malabanang talaga

- gregoriovbituinjr.
08.27.2021

* kuha sa sabay-sabay na pagkilos ng maralita nang magsimula ang lockdown sa NCR noong Agosto 5, 2021