Sabado, Enero 9, 2010

Ang Pangako ng Lalaking Makata

ANG PANGAKO NG LALAKING MAKATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

kaytamis ng pangako ng lalaking makata
sa kanyang pinapangarap na dalagang sinta
dalaga'y iibigin sa buong buhay niya
at aalagaan siya sa tuwi-tuwina

magbubuo sila ng maayos na pamilya
walang iwanan, sa ginhawa man o sa dusa
kaya yaong lalaking makata'y umaasa
na mapapasagot niya ng oo ang sinta

hindi maipangako ng lalaking makata
na buwan at bituin ay ikukwintas niya
sa leeg ng magandang dalagang sinisinta
kundi kung anong kayang trabaho ng makata

anumang luho'y di maibibigay sa sinta
ngunit pinapangakong sa hirap at ginhawa
magkasama pa rin at aayusin ang problema
maging kamatayan man ang kaharapin nila

kaya sa araw-araw ay magsisikap siya
upang patunayang hindi siya nambobola
itataguyod niya ang mabuong pamilya
ang kakainin nila'y galing sa pawis niya

kaytamis ng pangako ng lalaking makata
di lang pawang tula kundi magsisikap siya
para sa sinta'y magsisipag na ang makata
at lapat sa lupa ang mga pangako niya

Hangga't Di Nagwawagi

HANGGA'T DI NAGWAWAGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

hindi tayo titigil hangga't di nagwawagi
laban sa mga kalabang naghaharing uri
sa pakikibaka tayo'y mananatili
nang tuluyang bumagsak ang mga naghahari

naghaharing uri'y pahirap sa manggagawa
uring naghahari'y pahirap sa mga dukha
karaniwang tao sa kanila'y balewala
at tingin sa sarili'y walang dungis sa mukha

hindi tayo titigil hangga't di bumabagsak
ang naghaharing sistemang sa tao'y pahamak
naghaharing uri'y dapat gumapang sa lusak
kung kakayanin pa'y ibaon sila sa burak

Titik sa hangin

TITIK SA HANGIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

pawang sa hangin lamang natititik
ang mga ninanais kong iimik
parang ako'y dinapuan ng lintik
pagkat sa dilag ako'y nasasabik
nawa'y gawaran n'ya ako ng halik