Sabado, Marso 12, 2022

Hatinggabi na

HATINGGABI NA

hatinggabi na, dapat matulog
lalo't isip na'y kakalog-kalog
subalit mag-ingat pagkat busog
baka bangungutin, maging itlog

hatinggabi na, nagninilay pa
di makatulog, nag-aalala
anong dami ng isyu't problema
ng bansa't naorganisang masa

hatinggabi na, ika'y umidlip
baka may magandang panaginip
solusyon sa problema'y malirip
at pagkagising, may masasagip

hatinggabi na, tulog na tayo
sa munti nating banig, mahal ko
nang makagising ng alas-singko
maagang mamamalengke ako

sinalubong ko ang hatinggabi
na sa pagmamahal ay sakbibi
at sa aking sinta'y nagsisilbi
sa mutya kong kabigha-bighani

- gregoriovbituinjr.
03.12.2022

Ka Leody para sa Climate Justice

KA LEODY PARA SA CLIMATE JUSTICE

pambato natin sa panguluhan
Ka Leody de Guzman ang ngalan
manggagawa, makakalikasan
may prinsipyo, may paninindigan

sa Climate Walk, siya'y nakiisa
ako'y saksi nang siya'y sumama
sa unang araw d'un sa Luneta
santaon matapos ang Yolanda

Climate Justice ay kanyang unawa
bilang isang lider-manggagawa
pinaliliwanag niyang sadya
kalagayan ng klima sa madla

ako ang kanilang kinatawan
sa Climate Walk, mahabang lakaran
mula Luneta hanggang Tacloban
kinaya rin, nakatapos naman

Ka Leody'y ayaw ng Just-Tiis
ang kanyang adhika'y Climate Justice
climate emergency'y bigyang hugis
nang serbisyo sa tao'y bumilis

sa Climate Justice, ating pambato
si Ka Leody para pangulo
kung nais natin ng pagbabago
Manggagawa Naman ang iboto

- gregoriovbituinjr.
03.12.2022

Pabahay para sa maralita

PABAHAY PARA SA MARALITA

"Pulitika ng mamamayan, hindi ng iilan!"
makahulugang pagbabagong dapat makagisnan
na sa panahong ito'y panawagang makatwiran
pagbabago ng sistema'y ating ipagsigawan

pagkat ang pulitika'y di lamang para sa trapo
na ang serbisyo publiko'y ginagawang negosyo
ang pag-aaring publiko'y ginagawang pribado
kaya lalo nang naghihirap ang dukha't obrero

kaya sa halalang ito'y dapat may magbago na
pagkat di na ubra iyang sistema ng burgesya
na magserbisyo sa tao'y utak-kapitalista
na halos buong bansa na ang gustong maibenta

"Bagong Botante, Bagong Pulitika!" itong nais
ng mamamayan laban sa mga mapagmalabis
sa kapangyarihan, habang ang madla'y nagtitiis
sa mga tusong trapo, bagang nila'y nagtatagis

"Pabahay para sa maralita," laging pangako
ng mga pulitikong kundi balimbing, hunyango
tuwing kampanyahan, subalit kapag nakaupo
kanilang pangako sa maralita'y napapako

"Pulitika ng mamamayan, hindi ng iilan!"
iguhit na natin ngayon ang bagong kasaysayan
isang kauri natin si Ka Leody de Guzman
na dapat nating maipanalo sa panguluhan

upang mapatupad ang kaytagal nating pangarap
sapat at abotkayang pabahay sa mahihirap
pag si Ka Leody'y manalo't maupo nang ganap
ay mapatupad ito sa dukhang dapat malingap

- gregoriovbituinjr.
03.12.2022
* litratong kuha ng makatang gala noong Women's Day

P750 minimum wage para sa lahat

P750 MINIMUM WAGE PARA SA LAHAT

minimum na sweldong pitongdaan limampung piso
sa buong bansa para sa ating kapwa obrero
plataporma ito ng ating mga kandidato
kayganda, na siyang ipatutupad pag nanalo

di gaya ngayon, Regional Wage Board umiiral pa
kaya iba ang sahod ng obrero sa probinsya
sa N.C.R. nga, five hundred thirty seven pesos na
habang three hundred pesos lang doon sa Cordillera

apatnaraan dal'wampung piso sa Gitnang Luzon
at apatnaraang piso naman sa CALABARZON
sa MIMAROPA, three hundred twenty pesos lang doon
sa Bicol, kaybaba, three hundred ten pesos lang iyon

mas mataas sa BARMM kaysa Bicol ng kinse pesos
parang Eastern Visayas, three hundred twenty five pesos
sa Western Visayas ay three hundred ninety five pesos
sa rehiyon ng Davao, three hundred ninety six pesos

gayong halos pare-pareho ang presyo ng bigas
sa lahat ng rehiyon, kahit presyo ng sardinas
bakit sweldo'y magkaiba pa, dapat iparehas
ganito ang nais natin, isang lipunang patas

gayong sa loob ng pagawaan, sahod at tubo
ang pinagbatayan, di dahil lugar ay malayo
kaya pag ating pambato'y manalo, napipinto
na ang Regional Wage Board ay tuluyan nang maglaho

pantay-pantay na sweldo sa lahat ng manggagawa
di pa living wage ang pinag-uusapan ng madla
seven hundred fifty pesos minimum wage sa bansa
ito'y makatarungan lang, obrero'y guminhawa

- gregoriovbituinjr.
03.12.2022

Pinaghalawan ng datos:
https://nwpc.dole.gov.ph/?s=provincial+minimum+wage
https://nwpc.dole.gov.ph/regionandwages/national-capital-region/
https://allthebestloans.com/blog/minimum-wage-in-the-philippines