PINAGLARUAN NG DROGA ANG UTAK
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
tumikim siya ng droga, nagbabakasakali
upang problema niya'y mawala pansamantala
ngunit nang mahimasmasan, aba'y lalong sumidhi
mas sumamang lalo ang problema niya't panlasa
bakit hindi, sa droga, ginhawa'y panandalian
di nito malunasan ang kanyang pagkasiphayo
magulong isip, malalang problema't kalusugan
sagot sa problema'y nasaan, nakakatuliro
nananabik ang panga upang problema'y makatas
sa pag-asang maibsan ang nadaramang pasakit
ayaw nang damhin ang problemang tila walang lunas
kaya sa droga'y yumakap, kumapit nang mahigpit
upang paglaruan lang ng droga ang kanyang utak
drogang tila punyal na sa ulo niya'y tumarak