Sabado, Marso 19, 2022
Upuan
napaupo ako sa upuan
napahiga ako sa higaan
napatayo ako sa tayuan
o kaya naman ay sa Tayuman
madalas nakakaupo sa dyip
lalo't barya lang ang halukipkip
madalas din doong managinip
kasama ang mutyang nasa isip
pinta sa upuan ay masdan mo
obra maestrang kayhusay, ano?
di basta matibag ng delubyo
pintang tila likha ng maestro
una ang kabayo sa kalesa
di ba? kaya di kalesa muna
dapat unawa itong talaga
lalo sa paggawa ng taktika
uupo tayo sa mga pulong
ng may kahandaan ng marunong
upang di tayo basta uurong
kung alam nating kayang sumulong
- gregoriovbituinjr.
03.19.2022
Minsan
minsan, kailangan ding mamasyal
sa panahong nakatitigagal
maglakad-lakad hanggang magpagal
o mag-jogging kahit hinihingal
minsan, nakatitig sa kisame
nag-iisip ng mga diskarte
upang malabanan ang salbahe
o kaya'y mga trapong buwitre
minsan, matutulog ka ng dilat
at bigla kang maalimpungat
masabing sana'y nakapagmulat
ng kapwa dukhang nakamulagat
minsan, pag dama'y walang magawa
nagninilay ng mahaba-haba
doon sa langit nakatulala
makakakatha na maya-maya
tulad ng paminsan-minsang kaba
na anumang sigwa'y kinakaya
kaharap man ang banta ng bala
nang kamtin ang asam na hustisya
- gregoriovbituinjr.
03.19.2022
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)