Miyerkules, Abril 21, 2021

Ipagdiwang ang tagumpay nina Lapulapu

IPAGDIWANG ANG TAGUMPAY NINA LAPULAPU

Ilang araw na lang ay atin nang ipagdiriwang
Ang ikalimandaang taong tagumpay sa Mactan
Halina't pagpugayan ang kanilang katapangan
Naitaboy agad ang mananakop na dayuhan
Sa pangunguna ng Portuges, ngalan ay Magellan

Mabuhay ka, Lapulapu, sa kabayanihan mo
At ng mga kasama mong mandirigmang tumalo
Sa mga dayuhan sa labanan sa Mactan dito!
Taospusong pagpupugay sa alaala ninyo!

Limangdaang taong singkad nang nakaraan iyon
Pinigilan n'yo ng apatnapu't apat na taon
Ang pagsakop ng dayo sa di pa ganap na nasyon

Iyan ang esensya bakit kayo dinadakila
Iyan ang mahalaga sa pagbubuo ng bansa

Mabuhay kayo, Lapulapu! Mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
04.21.2021

* Ayon sa kasaysayan, naganap ang Labanan sa Mactan noong Abril 27, 1521, mahigit isang buwan nang lumapag ang grupo ni Magellan sa Mactan

Ang mga pantry ay pagbabayanihan

ANG MGA PANTRY AY PAGBABAYANIHAN

nalalantad kasi'y kainutilan ng gobyerno
community pantry'y ni-redtag pa ng mga ito
kusa na ngang nagbabayanihan ang mga tao
pagtutulungan na, ni-redtag pa ng mga gago

mag-resign na sa pwesto kayong mga mapanira
aba'y sa West Philippine Sea kayo magsiga-siga
community pantry'y pagbabayanihang dakila
huwag pakialaman kung wala kayong magawa

kapara kayo ng alikabok sa tabi-tabi
mga utak na'y inaagiw, pawang marurumi
o kayo'y langaw na walang silbi kundi sa tae
sa pagre-redtag nyo sa mga community pantry

ipagtanggol ang mga pantry't pagbabayanihan
dahil gobyerno'y palpak kaya ito nagsulputan

- gregoriovbituinjr. 

Ang pamuwat

ANG PAMUWAT

bukod sa aliping sagigilid at namamahay
mayroon pa palang aliping saluwat sa hanay
tila ba timawa noon na naging malayang tunay
na iba sa timawa ngayong kawawa sa buhay

o kaya'y iba talaga ang aliping saluwat
may kalayaan na ang alipin ngunit di sapat
gumagawa sa bukid ng amo ng walang bayad
kundi nakakakain lang, tila paglayang huwad

malaya na siya dahil di na nilalatigo
lumaya dahil ba amo na'y nagpapakatao?
alipin pa rin siyang walang bayad kahit singko
habang nililinang ang bukirin ng kanyang amo

tunay nga bang lumaya o alipin pa ring sadya?
buhay na ba'y umalwan, dama na ba ang ginhawa?
o pamuwat na nagsisilbi'y tunay na dakila?
alipin nang isilang ngunit ngayon na'y malaya?

- gregoriovbituinjr.

Pagsisikap

PAGSISIKAP

mabuti nang nagsisikap kung di pinapapasok
ang marunong sa pagkamit ng tagumpay sa tuktok
sa pagsisikap ay makakarating din sa rurok
pagkat di lang pulos marunong ang nailuluklok

matulog sa oras upang katawan ay gumanda
walong oras na tulog ay para sa resistensya
tiyakin lamang lagi ang paggising ng maaga
upang makapagbanat na ng buto sa tuwina

pinagsisikapang tunay ang asam na pangarap
magpagal, mag-aral, matuto, magtapos, magsikap
nang sa kalaunan ay maging manggagawang ganap
maging sahurang alipin sa bayang naghihirap

kahit di man makapasok ang sinumang marunong
dahil baka danasin ay pawang kutya't linggatong
pagsikapang buhatin ang sa balikat sinuong
bakasakaling may tagumpay ka ring masusumpong

- gregoriovbituinjr.

Congrats, Golden Cañedo, kampyon sa pag-awit


CONGRATS, GOLDEN CAÑEDO, KAMPYON SA PAG-AWIT

akala ko noong una'y si Sarah Geronimo
ako nga'y mali, siya pala'y si Golden Cañedo
kampyon ng The Clash Season 1, ako'y sumasaludo
kampyon sa kantahan, kaygandang tinig at idolo

napanood ko sa telebisyon, Sarah talaga
ang tinig niya'y nanghahatak, animo'y mahika
deja vu, tulad niya'y kampyon din noon si Sarah
na siya ngang tuntungan sa larangan ng musika

pambato ng Cebu, talagang golden voice si Golden
animnapu't dalawa'y naglaban, siya'y nagningning
nanguna, nagkampyon, tinig niya ang tumaginting
napabalikwas ako sa boses niyang kaygaling

sa iyo, Golden, ang tinig mo'y tunay na marikit
nagbunga ang lahat ng iyong pagpapakasakit
nawa'y magtagumpay ka pa sa mundo ng pag-awit
at kagandahang asal pa rin ay iyong mabitbit

- gregoriovbituinjr.

* kuha ng makatang gala sa replay ng The Clash, na paligsahan sa pag-awit ng GMA 7