Agosto sais, limang taon nang nakararaan
nang pangatlo kong pasaporte'y natanggap ko naman
kaya muling nakapaglakbay at nangibangbayan
ah, kaysarap gunitain ng panahong nagdaan
limang taon na'y lumipas, pasaporte'y paso na
dalawang bansa'y narating niyon, una'y sa Tsina
lumapag iyon sa Ghuangzhou, sa paliparan nila,
at dumiretso tungo sa destinasyon kong Pransya
dahil sa Climate Walk kaya muli may pasaporte
sa di pa narating na bansa'y nakapagbiyahe
upang gampanan ang misyon kung saan napasali
ipanawagan ang "Climate Justice" sa pilgrimahe
dahil naglakad mula Luneta hanggang Tacloban
mula umpisa hanggang matapos, walang uwian,
na pasaporte ko upang isama sa lakbayan,
mula Lyon hanggang Paris, at saksi sa COP Twenty One
ngayong Agosto 6, paso na ang pasaporte
at isang alaala na lang ang mga nangyari
sa Japan, Thailand, Burma, Tsina, Europa ang huli
sana, minsan pa, muli akong makapagbiyahe
- gregbituinjr.
08.06.2020
Huwebes, Agosto 6, 2020
Nilay sa ika-75 amibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika
paggunita sa anibersaryong pitumpu't lima
ng pagbagsak ng anong tinding bomba atomika
na pumaslang ng maraming tao sa Hiroshima
at Nagazaki, libu-libo'y naging hibakusha
natapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan
ang gerang nilahukan ng imperyalistang Japan
bilang isa sa Axis, pati Italya't Aleman,
upang palawakin ang sakop nila't kalakalan
kayraming namatay, kayraming naging hibakusha
o nabuhay sa epekto ng bomba atomika
lapnos ang balat, katawan ay halos malasog na
animo'y wala nang buhay ngunit humihinga pa
mayoryang biktima'y mga inosenteng sibilyan
nangyaring iyon ay kakaiba sa kasaysayan
ng sangkatauhan, di dapat maulit na naman
lalo't may sandatang nukleyar sa kasalukuyan
"never again sa nukleyar", panawagan nga nila
na dapat dinggin para sa panlipunang hustisya
"nuclear ban treaty" hibik ng mga hibakusha
silang nabubuhay sa mapait na alaala
ngayong araw na ito, sila'y ating gunitain
na pawang biktima ng karumal-dumal na krimen
o isang desisyon upang digmaan ay pigilin
ah, nawa'y di na maulit pa ang nangyaring lagim
- gregbituinjr.
08.06.2020
Ang pagbabaraha
sinusugal ko na nga buhay ko para sa masa
bakit aaralin ko pa ang laro sa baraha
di pa ba sapat na marunong akong bumalasa
bakit aaralin ko pang maglaro ng baraha
simple lang ang sagot mo, upang may magawa tayo
bakit baraha, pwede namang magbasa ng libro
katuwaan lang naman, malay mo, baka manalo
e, ano kung manalo, pampatay oras lang ito
gamitin natin ang gintong oras kung anong tama
baka may maiambag pa tayo sa ating bansa
kaysa magbaraha't gumawa upang may magawa
pag nauwi sa sugal, baka pamilya'y isangla
hayaan mo nang di ako matutong magbaraha
baka iwing buhay ko pa ang aking mabalasa
baka pag nahasa rito'y hanap-hanapin ko na
matututo nang magsugal, pabarya-barya muna
pag may nanghamon, aba'y lalaban na sa sugalan
taya kung taya, hangga't bulsa'y naritong may laman
sa una'y pinadama, kayraming napanalunan
sa susunod ay talo na, salapi'y naubusan
- gregbituinjr.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)