Sabado, Oktubre 25, 2025

Itlog at okra sa inin-in

ITLOG AT OKRA SA ININ-IN

bago tuluyang main-in ang kanin
isinapaw ko ang apat na okra
at naglagay ng puwang sa inin-in
upang doon itlog ay lutuin pa

ang kawali'y di na kinailangan
upang mapagprituhan nitong itlog
okra'y in-in na ang pinaglagaan
sa hapunan ay kaysarap na handog

anong laking tipid pa sa hugasin
isapaw lang, aba'y ayos na ito
sa buhay na payak, may uulamin
pag sikmura'y kumalam na totoo

mga katoto, tarang maghapunan
ulam sana'y inyong pagpasensyahan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Ikulong na 'yang mga kurakot!

IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT!

sigaw ng masa'y di malilimot:
"Ikulong na 'yang mga kurakot!"
na kaban ng bayan ang hinuthot
ng buwaya't buwitreng balakyot

sa masa'y dapat silang matakot
galit na ang masa sa kurakot
katarungan sana'y di maudlot
kurakot sana'y di makalusot

kaylaking sala ng mga buktot
na lingkod bayang dapat managot
hustisya'y kanilang binaluktot
dapat talagang may mapanagot

TONGresista't senaTONG na buktot
silang mga naglagay ng ipot
sa ulo ng bayan na binalot
ng lagim nilang katakot-takot

kahayupang sa dibdib kaykirot
na gawa ng trapong mapag-imbot
paano ba natin malalagot
ang sistemang bulok at baluktot

parusahan ang lahat ng sangkot
ikulong silang mga balakyot
parusahan ang lahat ng buktot
IKULONG NA 'YANG MGA KURAKOT!

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Thermopylae - sa tarangkahan ng apoy

THERMOPYLAE - SA TARANGKAHAN NG APOY

noon, nakipagdigmaan kami
sa tarangkahan ng apoy, sabi
nila'y iyon daw ang Thermopylae
doon buhay nami'y nakaugnay

kabilang ako sa tatlong daang
mandirigmang tawag ay Spartan
sa matinding labanan bumagsak
upang pasibulin ang pinitak

sa lupaing ayaw na isukò
sa kaaway, dumanak ma'y dugô
lumaban at hinawan ang landas
tungò sa isang malayang bukas

kami ang mandirigma ng apoy
muling lalaban kaysa managhoy
para sa kapakanan ng lahi
para sa kagalingan ng uri

sa makabago mang Thermopylae
Eurytus akong lalabang tunay
upang palayain itong bayan
sa mapagsamantalang iilan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

* mapa ng Thermopylae mula sa google

Namili sa palengke

NAMILI SA PALENGKE

kaunti lang ang pinamili
ko sa kalapit na palengke
kahit gaano pa ka-busy

ay namalengke ang makatâ
payak lang ang inihahandâ
mas mahalaga'y ang pagkathâ

kaya meron nang ilulutò
nariya'y santumpok na tuyô
sibuyas, kamatis, nagtahô

sa daan, sa init kumanlong
tatlong taling okra, may talong
na santumpok, at sampung itlog

pakiramdam ko'y anong saya
at mamaya'y magluluto na
matapos maligo't maglaba

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Pandesal, salabat at malunggay tea

PANDESAL, SALABAT AT MALUNGGAY TEA

payak lamang ang aking inalmusal
malunggay tea, salabat at pandesal
sa iwing resistensya'y pampatagal
sa takbuhan, di ka agad hihingal

ngunit mamaya, mahabang lakaran
tungo sa mahalagang dadaluhan
dapat may pampalakas ng katawan
at pampatibay ng puso't isipan

anupa't kaysarap magmuni-muni
pag nag-almusal, nagiging maliksi
ang kilos, susulat pang araw-gabi
ng akdang sa diwa'y di maiwaksi

tarang mag-almusal, mga katoto
pagpasensyahan lang kung konti ito

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025