Linggo, Nobyembre 2, 2014

Pagsama ng mga batang scout sa Climate Walk

PAGSAMA NG MGA BATANG SCOUT SA CLIMATE WALK 
ni Gregorio V. Bituin Jr.

I

Mga scout ay laging handa 
Sa pagtulong, tapat ang diwa
Sa bayan, tapat ang adhika 
Sa kapwa'y tagapamayapa

II

Masayang sinalubong ang Climate Walk 
Ng mga scout, kaysayang lumahok 
Sumama pa sa mahabang lakaran 
Kaybabata pa ng kanilang gulang

Ulang malakas ay biglang bumuhos
Sila'y nangabasa, tuloy ang kilos
Subalit sila'y baka magkasakit
Sa isang lugar, tumigil nang pilit

Gayunman, Scouts, maraming salamat 
Inyong pakikiisa'y di masukat
Mula sa Climate Walk, MABUHAY KAYO! 
Balang araw, magkikita pa tayo

* Ang buong Oktubre 2014 ay pagdiriwang ng sentenaryo ng Scouting sa Pilipinas.

* Ang mga Boy Scouts at Girls Scouts, kasama ang kanilang mga guro, ay mula sa San Vicente Elementary School, Brgy. San Vicente, Lungsod ng Catbalogan, Samar, Nobyembre 2, 2014

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda

Ligalig at Tigatig

LIGALIG AT TIGATIG
ni Gregorio V. Bituin Jr
13 pantig bawat taludtod

"Di nga masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan." - mula sa grupong ASIN

paano kung biglang maulit ang ligalig
ang mata ng unos sa atin nakatitig
paano kung tumama'y dambuhalang tubig 
sa paghingi ng saklolo'y sinong dirinig
nangyaring Yolanda'y sadyang nakatutulig
nang malaman ang naganap, natitigatig
nangyari sa nasalanta'y nakaaantig
may masisisi ba, sinong dapat mausig
pag nangyari muli'y kanino na sasandig
kung mga pinuno ng bansa sa daigdig
ay kanya-kanya at di nagkakapitbisig
upang lutasin ang suliraning di ibig
labis-labis na ang nagtatambakang banig
habang kulang na ang isusubo sa bibig

- habang umuulan, Baby Jhun Eatery, Brgy. Balugo, Tarangnan, Samar, Nobyembre 2, 2014, malapit sa marker ng Km 779

* Ang tulang ito ay isa sa serye ng mga tulang sinulat ng makata sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban na nagsimula ng Oktubre 2, 2014 at magtatapos sa Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng napakatinding bagyong Yolanda