Biyernes, Nobyembre 18, 2022

Ang batang nagwagayway ng flag sa Climate Strike

ANG BATANG NAGWAGAYWAY NG FLAG SA CLIMATE STRIKE

nagsalita si Noel Cabangon hinggil sa klima
nang may batang mag-isang nagwagayway ng bandila
kapuri-puri, di lang basta nakinig ng kanta
dapat siyang parangalan, sadyang kahanga-hanga

di sinayang ang panahon at siya'y binidyuhan;
ang simpleng pagwawagayway niya ng flag na'y sapat
nang magsilbing inspirasyon sa mga kabataan
at sa atin, sa bata'y taospusong pasalamat

di sapat ang tulang ito para sa batang iyon
sino siya, anong ngalan niya, hanapin natin
mabigyan man lang natin ng plaque of appreciation
ang tulad niya'y kaygandang halimbawa sa atin

bata pa lang, nagbabagong klima'y dama na niya
ngunit Climate Justice ba'y gaano niya unawa
pagwagayway ng flag ay kabayanihang talaga
na sa kabila man ng init ay kanyang ginawa

hanapin sino siya nang mabigyan naman natin
ng munting papuri, kapayanamin, anong danas
sa klima, baha ba, nawalan ng bahay, tanungin
at nagbabagong klima'y gaano niya nawatas

- gregoriovbituinjr.
11.18.2022

* Naganap ang Climate Strike sa iba't ibang panig ng bansa noong 11.16.2022, kasabay ng nagaganap na COP 27 o 27th United Nations Climate Change conference sa Sharm El Sheikh, Egypt mula Nobyembre 6 hanggang 18, 2022

* Ang bidyo ay matatagpuan sa kawing o link na: https://fb.watch/gSLmBRqmhV/

Expiry date

EXPIRY DATE

month day year sa produktong Pilipino
day month year ang sa Pranses na produkto
year month day naman ang sa Koreano
isa'y day month, isa'y month day, pansin mo?
kaya malilito ka sa ganito

tingnan ang expiry date sa litrato
galing pa ibang bansa ang produkto
dahil sa may kanji na letra dito
hiragana't katakana man ito
December 9 o September 12 ba 'to?

crispy seaweed snacks, isang pagkain
mas mabuti pang produkto'y kainin
bago pa dalawang petsa'y sapitin
bago mag-September 12 na'y kainin
nang expiry date ay di na abutin

at kung sa gitna ng dalawang petsa
mula September 12 ay abutin ka
hanggang December 9, magtanong ka na
kung ang nasabing produkto'y pwede pa
kung sumakit ang tiyan, paano na?

- gregoriovbituinjr.
11.18.2022

Green Energy

GREEN ENERGY

ang Climate Strike ay katatapos lang
na anong titindi ng panawagan
dagdag one point five degree kainitan
ay huwag abutin ng daigdigan

fossil fuel at coal ay itigil na
maging ang liquified natural gas pa
tayo'y mag-renewable energy na
upang sagipin ang tanging planeta

ang korporasyon at kapitalismo
yaong sumisira sa tanging mundo
laging mina doon at mina dito
ang gubat at bundok pa'y kinakalbo

para sa laksang tubong makakamal
ay walang pakialam ang kapital
mahalaga'y tubo ng tuso't hangal
mundo't kinabukasa'y binubuwal

mensahe ng Climate Strike ay dinggin
planetang ito'y ipagtanggol natin
planetang tahanan ng anak natin
planetang pangalagaan na natin

sa COP 27, aming mensahe:
gawin ang sa mundo'y makabubuti
No to False Solutions! ang aming sabi
tara sa renewable Green Energy!

Loss and Damage at Climate Debt, bayaran!
sistemang bulok na'y dapat palitan!
sistemang kapitalismo'y wakasan!
tangi nating planeta'y alagaan!

- gregoriovbituinjr.
11.18.2022

* litrato mula sa app game sa internet