Biyernes, Nobyembre 9, 2012

Lipak sa Palad ng Paggawa

LIPAK SA PALAD NG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kayraming lipak sa palad ng manggagawa
tanda ngang sila'y kaysipag at kaytiyaga
bawat lipak ay tandang sila ang nagpala
upang umunlad itong lipunan at bansa

tila lipak na’y tatak ng pagkaalipin
gawa ng gawa nang pamilya'y may makain
mababa ang sahod, nagdidildil ng asin
kaysipag ngunit kawawa sila sa turing

pagkat sistema'y saliwa, talagang mali
pagkat ang lipunan sa uri'y nahahati
dukha'y laksa-laksa, mayaman ay kaunti
alipin ng mayroon ang dukhang inimbi

puno ng lipak ang palad ng manggagawa
di ito sasapat na pamahid ng luha
sa kapal ay kayang tampalin ang kuhila
at pangwasak sa sistemang mapangkawawa

Sa Bawat Gusali'y Bakas ang Kamay ng Manggagawa

 SA BAWAT GUSALI'Y BAKAS
ANG KAMAY NG MANGGAGAWA

ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

masdan ang bawat gusali / pumunta ka sa Ayala
tingnan ang mga gusali / sa kahabaan ng Edsa
sa ibang lunan sa bansa / ay iyo ring madarama
naroroon yaong bakas / ng obrero't makikita
at gaano man katayog / ang gusaling naglipana
kamay nila ang lumikha, / nagpala, at nagpaganda

yaong maraming gusali'y / mahusay na dinisenyo
ng arkitektong magaling / o kaya'y ng inhinyero
ngunit pinagpalang kamay / ng magiting na obrero
ang nagtiyak na gusali'y / maitayo nang totoo
manggagawa ang naghalo / ng buhangin at semento
nagsukat at nagpatatag / ng biga't pundasyon nito

sa bawat gusali'y bakas / ang kamay ng manggagawa
ang katotohanang iyan / ay di mapapagkaila
isinakripisyo nila'y / buhay, pawis, oras, diwa
ginugol yaong panahon / upang gusali'y magawa
nagtrabaho nang maigi, / tunay silang nagtiyaga
ngunit pakasuriin mo, / ang sahod nila'y kaybaba