Martes, Enero 16, 2024

SIBI at LAOG

SIBI AT LAOG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bigyang pansin natin ang dalawang salitang bago sa ating pandinig, na marahil ay ginagamit na salita sa lalawigan.  Ito ang SIBI at ang LAOG.

Sa ikatlong Krosword sa pahayagang Abante, Enero 15, 2024, pahina 7, ay nakita natin ang SIBI na siyang lumabas na sagot sa 28: Pababa na ang tanong ay BALKON.

Sa Diwang Switik naman na palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, Enero 16, 2024, pahina 7, ay nakita natin kung ano ang LAOG. Iyon kasi ang lumabas na sagot sa 12: Pababa na ang tanong ay LAYAS.

Ang kahulugan ng SIBI, mula sa Diksyunaryong Filipino-Filipino (DFF), na inedit ni Ofelia De Guzman, ay: habong na nakakabit sa gilid ng bahay, balkon, balkonahe. 

Sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF) naman, pahina 1131, ang SIBI ay salitang arkitektura na nangangahulugang 1: nakahilig na silungan. karaniwang nakakabit sa dingding ng isang bahay o nakadugtong sa bubong (na ang iba pang salita ay: awning, balawbaw, gabay, medyaagwa, palantikan, panambil, sibay, suganib, suyab, suyak); 2. dagdag na bahagi sa tunay na bahay. Kumbaga, ito'y espasyo itong naging ekstensyon ng bahay. May tuldik ito sa unang pantig kaya ang diin ay sa SI, kaya mabagal ang bigkas. Walang impit sa ikalawang pantig.

Ang iba pang entri na SIBI ay malayo na sa kahulugang balkon, kundi ngiwi, at ayos ng bibig na tila nagpipigil umiyak.

Nabanggit lang ang balkon sa DFF ngunit hindi sa UPDF. Wala namang LAOG sa DFF.

Sa UPDF, pahina 677, may tatlong entri ang LAOG. Ang una'y may tuldik sa unang pantig habang ang ikalawa't ikatlo ay sa ikalawang pantig ang tuldik. Ibig sabihin, dahil may tuldik, magkaiba ng bigkas ang una, kaysa ikalawa't ikatlo. Tunghayan natin ang kahulugan ng LAOG.

láog (pangngalan, salitang Heograpiya, Sinaunang Tagalog): maliit na lawa

laóg (pangngalan, salitang Bikol): loob

laóg (pang-uri) 1: mailap o ilahas, karaniwang patungkol sa pusa; 2: (salitang Meranaw at Tagalog) pagala-gala upang maghanap ng pagkain o makipagsapalaran.

Ang ikatlo ang nangangahulugang LAYAS. Dahil nasa pangalawang pantig ang tuldik, mabilis ang bigkas. Ang diin ay nasa OG.

Mga lumang salita o salitang lalawiganin ang SIBI at LAOG. Para sa akin, mahalaga ang mga salitang ito na nakakasalubong ko lang sa mga palaisipan at hindi sa aktwal na usapan. 

Mahalaga ang mga salitang ito hindi lang upang masagutan natin ang palaisipan o krosword, kundi baka balang araw ay gamitin natin ang mga ito sa pagkatha ng maikling kwento, ng tula, pagsulat ng sanaysay, o kaya'y naghahanap tayo ng mas tapat na salin ng isang salita.

Sinubukan kong gawan ng tula ang dalawang salitang ito:

1

SIBI

anong silbing mabatid ang sibi?
ngayon ba'y mayroon itong silbi?
doon kaya'y anong sinusubi?
may tinago ba doon kagabi?

minsan nga, sa bahay ay may balkon
madalas nagpapahinga roon
nakaupo, utak ay limayon
diwa'y kung saan napaparoon

minsan din, sa balkon ang huntahan
kapag may bisita sa tahanan
kapag dumalaw ang kaibigan
at marami pang napag-usapan

kaya iyan ang silbi ng sibi
ang maghuntahan sa balkonahe
o pahingahan sa hatinggabi
nasa diwa'y anu-anong siste


LAOG

ang mga laog ang mga layas
na di mo alam ang nilalandas
ang laog kaya'y makaiiwas
pag nakasalubong niya'y ahas

sila ba'y makalumang lagalag
Samwel Bilibit, di mapanatag
lakad ng lakad, nababagabag
ngunit wala namang nilalabag

o naghahanap ng makakain
nang pamilya nila'y di gutumin...
tinulak ng tadhana sa bangin?
silang mga kapit sa patalim?

sila ba'y mga manhik-manaog
sa ibang bahay upang mabusog?
kailan ba sila mauuntog
upang pangarapin ang kaytayog?

01.16.2024

Ang wastong gamit ng gitling sa panlaping ika

ANG WASTONG GAMIT NG GITLING SA PANLAPING IKA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba ginagamit ang gitling sa panlaping ika? Sa pagkakaalam ko, ginagamitan ng gitling ang ika pag ang kasunod na salita ay numero. 

Ang ika ay panlapi, kaya ikinakabit ito sa salitang-ugat. Kaya bakit lalagyan ng gitling kung naging salita na ang pagkakabitan ng ika? Halimbawa, ikaapat, ikalima, ikaanim. Pag numero na sila, lalagyan na ng gitling, ika-4, ika-5, ika-6.

Nakita ko na naman ang ganitong pagkakamali sa palaisipan sa isang pahayagan ngayong Enero 16, 2024. Sa unang larawan ay makikita sa 4: Pahalang ang Ika-apat na buwan. Dapat ay Ikaapat na buwan. 

Sa aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata VI, Ang Palagitlingan, pahina 58, ay ganito ang nakasulat (tingnan din ang ikalawang larawan):

(m) kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod na hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero, figure). Gaya ng:

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4; kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng: 

ikawalong oras; ikasampu't kalahati; ikalabing-isa
ikadalawampu't walo ng Pebrero; ikalabintatlo ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawa

Sa tungkulin namang pandiwa, ang ika, na nangangahulugan ng maging sanhi, kadahilanan, o bagay na ikinagagawa o ipinangyayari ng sinasabi ng salitang-ugat, ay ikinakabit na rin nang tuluyan o walang gitling, yamang wala nang iba pang anyong sukat pagkamalan. Gaya ng:

ikamatay, ikakilala, ikalungkot, ikaunlad, ikagiginhawa

Kahit naman hindi natin tingnan ang alituntunin sa Balarila ni L.K.Santos, pag alam nating panlapi, ikinakabit natin ito sa salitang-ugat nang hindi nilalagyan ng gitling. Halimbawa, magutom, nagtampo, paglathala, mangahas, makibaka.

Maraming panlapi, hindi lang ika. Nariyan ang ma-, mang-, mag-, na, nang-, nag-, pa-, pang-, pag, at iba pa. Subalit kailan ito lalagyan ng gitling? Walang gitling sa mga salitang-ugat, maliban kung depende sa buka ng bibig, lalo na kung kasunod ng panlaping may katinig sa dulo ang salitang-ugat na nagsisimula sa patinig. Ang mayari ay iba sa may-ari. Ang pangahas ay iba sa pang-ahas. Ang nangalay ay iba sa nang-alay. Ang magisa ay iba sa mag-isa.

Nawa'y naunawaan natin ang tamang paggamit ng gitling sa ika. Payak lang ang panuntunan. Pag numero ang kasunod ng ika, may gitling sa pagitan nila. Ika-7, ika-8, ika-9. Subalit kung salita, hindi na nilalagyan ng gitling. Ikapito, ikawalo, ikasiyam.

Naisipan kong gawan ng tula ang paggamit ng gitling sa ika.

ANG GITLING SA PANLAPING IKA

lalagyan mo ng gitling ang panlaping ika
kung kasunod ay numero, at hindi letra
walang gitling sa ikaapat, ikalima
ngunit meron sa ika-4, ika-5

sa panlaping ika'y ganyan ang panuntunan
bukod sa ika, maraming panlapi riyan
pag-, mag-, nang-, maki-, aba'y kayrami po niyan
wastong paggamit nito'y dapat nating alam

may panlaping depende sa buka ng bibig
kapag ang dulo ng panlapi ay katinig
simula ng salitang-ugat ay patinig
tulad ng pag-asa, pang-uuyam, pag-ibig

alamin ang wastong paggamit ng panlapi
upang sa pagsusulat ay di magkamali
pangit basahin kung salita'y bakli-bakli
imbes kanin at ulam, hapunan mo'y mani

01.16.2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centenona natatandaan kong ang nagbigay ng Introduksyon sa libro ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid kung ano ang ibig sabihin ng balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad halimbawa ng karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko 
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024