Linggo, Hulyo 12, 2020

Dalawang araw sumama sa pagkakarpintero

dalawang araw sumama sa pagkakarpintero
upang matapos ang plano nilang dagdag pang kwarto
nagsukat at nagguhit, naglagari't nagmartilyo
tiniyak na bawat pako' tumagos hanggang dulo

nakakapagod man ngunit maganda sa katawan
tila nag-ehersisyo ang buto, puso't isipan
masarap maglagari, masakit man ang kalamnan
tila nagpatibay sa prinsipyo't paninindigan

pag nagkarpintero ka'y mauunawaan mo rin
ang sipag at hirap ng mga karpintero natin
di lang lagari, martilyo, pait, ang gagamitin
bukod sa kasanayan nila'y pakikisama rin

sa mga karpintero, taas-noong pagpupugay
dahil sa inyo, natayo yaong gusali't bahay
mesa, silya, iba't iba pa, salamat pong tunay
bawat karpintero'y dakila, mabuhay! mabuhay!

- gregbituinjr.

Pagtitig sa langit matapos ang unos

napatitig ako sa langit matapos ang unos
samantalang kanina'y kaylakas nitong bumuhos
buong ngitngit ng kalangita'y tila di maubos
habang kaysarap ng ulam naming tuyo at talbos

mapanglaw ang langit, nangingitim ang alapaap
tila ang pagngangalit ng bagyo'y di pagpapanggap
baka pag di alisto'y kasawian ang malasap
kaya sa matibay na moog ka manahang ganap

matapos daw ang unos ay mayroong bahaghari
o balangaw na sa dulo'y may gintong nasa gusi
subalit iyon ay alamat lang na di mawari
datapwat kayrami pa ring nagbabakasakali

naalala ko tuloy sina Ondoy at Yolanda
sila ba'y magkapareha o naging mag-asawa?
mga unos na kaytindi ng epekto sa masa
kaya maghanda't mag-ingat pag bagyo'y manalasa

- gregbituinjr.