Lunes, Agosto 5, 2024

Ang pinaghirapang ginto ni Yulo

ANG PINAGHIRAPANG GINTO NI YULO

dalawang Olympic Gold ang maiuuwi
ni gymnast Carlos Yulo na dangal ng lahi
anang ulat, Caloy, ikaw ay binabati
ng pangulo, pagkat nakamit mo ang mithi 

sadyang pinaghirapan mo ang Olympic gold
di lang isa, kundi dalawa ang iyong gold
habang pangulo'y mayroon daw Tallano gold
di pa makita ng bayan ang nasabing gold

dahil sa sipag, talino't loob mong buo
nakamit mo ay dalawang medalyang ginto
pangulo naman noon pa'y pulos pangako
bente pesos na kilong bigas nga'y napako

naukit na, Carlos Yulo, ang pangalan mo
sa kasaysayan ng isport ng bansang ito
di tubog sa ginto, tiyak tunay ang gold mo
tanging masasabi'y pagpupugay sa iyo

- gregoriovbituinjr.
08.05.2024

Ang bilin sa bababa ng van

ANG BILIN SA BABABA NG VAN

napakasimpleng bilin lamang
nitong tsuper sa pasahero
magsabi pag bababa ng van
ang nasa upuan sa dulo

bilin pa iyong nakapaskil
kaylaki, mababasa't lantad
kung nais pumara'y titigil
tsuper ay sabihan lang agad

buti't may ganyang karatula
napakalinaw ng mensahe
sabihin kung saan papara
at maiwas sa aksidente

sa tsuper, maraming salamat
bilin sa pasaherong mulat

- gregoriovbituinjr.
08.05.2024

Pangalawang ginto ni Yulo sa Paris Olympics

PANGALAWANG GINTO NI YULO SA PARIS OLYMPICS

mabuhay ka, Carlos Yulo, sa iyong bangis
nang kamtin mo'y pangalawang ginto sa Paris
Olympics, pinakita'y husay na kaykinis
habang iba pang atleta'y nakipagtagis

sa boksing, namaalam si Carlo Paalam
sa bansa'y dating nag-uwi ng karangalan
si Nesthy Petecio't Aira Villegas naman
sa women's boxing, may medalyang makakamtan

sa gymnastics, Caloy, ibinigay mong buo
ang galing mo sa ipinamalas na laro
mula sa floor exercise ang una mong ginto
mula sa vault finals ang ikalawang ginto

laging una ang Pilipino Star Ngayon
sa balita ng tagumpay ng iyong misyon
sa ibang dyaryo, unang ginto pa lang doon
habang kaybilis mag-ulat ng Star Ngayon

sa iyo, Carlos Yulo, kami'y nagpupugay
di magkamaliw ang bayang saludong tunay
sa dalawang gintong medalyang iyong taglay
ang sigaw ng bayan, mabuhay ka! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.05.2024

* litrato ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Agosto 4 at 5, 2024