Martes, Mayo 23, 2023

Kalamansi dyus

KALAMANSI DYUS

sampung pisong balot ng kalamansi
ang binili ko habang nililimi
ang kalusugan upang mairaos
kaya nagtimpla ng kalamansi dyus
hindi ko na nilagyan ng asukal
basta ininom lang nang magminindal
dahil nais kong lumakas talaga
nang sa sakit ay mayroong depensa
kalamansi dyus ay laging timplahin
bagamat hindi aaraw-arawin
pampalusog pa ito't pampalakas
nang sa mga sakit ay makaiwas
ah, salamat sa akin ay nagpayo
baka sakit ko'y tuluyang maglaho

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Patalastas ng LPG

PATALASTAS NG L.P.G.

maraming paskil ng binebentang L.P.G.
gawa ng tagapaskil nga'y pinagbubuti
kaliwa't kanan, ingat, huwag lang salisi
basta may pinto't geyt, paskil agad, ang sabi

tingni, iba't iba ang kumpanyang nagpaskil
sa pagpapaligsaha'y tila nanggigigil
liquified petroleum gas ba ang napipisil?
upang sa pagluluto'y wala nang hilahil?

ganyan ang kapitalismo at kumpetisyon
nais nilang ang katunggali ay malamon
habang kami'y paano makakain ngayon
magluluto upang pamilya'y di magutom

gas istob na three burner ang gamit na kalan
tangke ng L.P.G. basta walang kalawang
iyan ang gamit sa mas maraming tahanan
kahit dukhang nais ng buhay na maalwan

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Batute

BATUTE

alagad nga ba ni Batute ang tulad ko
di pa, hindi, pagkat wala namang ganito
nagkataon lang, meron akong kanyang libro
na sa tuwina'y binabasa kong totoo

pananaludtod niya'y pawang makikinis
si Huseng Batute, matalas at mabilis
ang Hari ng Balagtasang walang kaparis
nang tinalo n'ya si Florentino Collantes

anong mababasa sa kanyang talambuhay
nalilipasan daw ng gutom, sabing tunay
di pansin ang pagkain, tula lang ang pakay
binutas ng ulser ang tiyan, kinamatay

O, Batute, kayrami mong pamanang tula
na nakaukit na sa puso nami't diwa
tula mong Bayan Ko'y kinakanta ng madla
inaawit din ang tula mong Manggagawa

taaskamaong pagpupugay, O, Batute!
kinalaba'y imbi, sa tula'y pinagwagi
nasa'y pagkakaisa, di pagkakahati
tunay kang inspirasyon ng madla't ng lipi

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

Nilalarong buntot

NILALARONG BUNTOT

nilalaro ng kuting ang buntot ng ina
at ang ina'y ginalaw-galaw pang talaga
nililibang-libang niya ang anak niya
na kung panonoorin mo'y kasiya-siya

minsan lang makita ang ganyang paglalaro
binidyo ko nang larawan ay di maglaho
upang maibahagi ang ganitong tagpo
upang mapanood ninyo ang kuhang buo

isang buwang higit pa lang ang mga kuting
hayaan muna silang maglaro't maglambing
pagkatapos kumain sila'y nahihimbing
at pag nagutom lamang muling gumigising

panoorin natin ang nilalarong buntot
baka may aral silang dito mahuhugot
bilis ng pagdakma at bilis ng pagkalmot
baka nga gayon, di na ako nagbantulot

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023

* ang bidyo ay mapapanood sa: https://fb.watch/kHVCTHk1_1/

Top fan badge sa FB page

TOP FAN BADGE SA FB PAGE

iba't ibang top fan badge ang aking naipon
na nakita ko sa pesbuk notification
di ko akalaing meron palang ganoon
lalo't pananaliksik ang isa kong layon

top fan badge ko'y pawang museo't kasaysayan
napaghahalata ang hilig ko't samahan
at bilang sekretaryo ng Kamalaysayan
o ang grupong Kaisahan sa Kamalayan

sa Kasaysayan, na magtatatlong dekada
na pala akong kasapi, aba'y talaga
oo, since nineteen ninety five pa'y sumapi na
at nitong twenty seventeen naitalaga

bilang sekretaryo nga, patuloy pa ako
sa pananaliksik sa historya't kung ano
ang matagpuan ay agad sinusulat ko
o ibabahagi sa mas maraming tao

sa 3-D ay patuloy pang naghahalungkat
DetalyeDaloy, at Diwa'y gamiting sukat
ah, kayrami pang historyang dapat mabuklat
sa natamong top fan badge, maraming salamat!

- gregoriovbituinjr.
05.23.2023