Huwebes, Mayo 19, 2022

Kahayupan

KAHAYUPAN

ang padatal bang bagong rehimen
ay mapangutya't mapang-alipin
matay ko mang nilayin, dibdibin
ay di ko pa matanto sa hangin

mababalik ba sa dating ayos
na karapatan ay binabastos
na mga dukha'y nabubusabos
ng sistemang di ka makaraos

yumayaman ang dating mayaman
at dukha'y lalong nahihirapan
paano ba haharapin iyan
kung sistema'y pulos kahayupan

marami bang muling mawawala
nagprotesta'y huhulihing bigla
karapata'y binabalewala
hustisya'y muling ikakaila

kahayupang ganyan ay masahol
ah, paghandaan ang pagtatanggol
magkaisa tayo sa pagtutol
laban sa kahayupang bubundol

sa atin, sa lupang tinubuan
kung lipunang makatao'y asam
may tungkulin tayong gagampanan
sa panahong kinakailangan

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022

Tau-tauhan

TAU-TAUHAN

sa pagdatal ng bagong lipunan
masa'y magiging tau-tauhan
ba ng halimaw na dinuduyan
sa gintong nahukay ng sukaban?

bagong historya'y ipalalamon
sa diwa ng bagong henerasyon
babalewalain ang kahapon
ng bayang sa Edsa nagkatipon

isusubo'y tabletang mapait
upang sa ama't ina'y magalit
ni ayaw iparinig ang impit
ng masa sa rehimeng kaylupit

bagong kasaysayan ang pagkain
sa laksang diwang pabubundatin
ng historical revisionism
ah, nilulusaw ang diwang angkin

tila tinarak sa ating likod
ay matinding kamandag ng tunod
nais nilang tayo'y manikluhod
sa bagong poon na kunwa'y lingkod

bayang ito'y ipagtanggol natin
habang sinisigaw: Never Again!
at sa paparating na rehimen
ay muling ihiyaw: Never Again!

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa harap ng CCP, Roxas Blvd., 05.13.2022

Tula 101

TULA 101

nais kong matuto ng pagkatha
mula sa kilala kong makata
na ang layon at inaadhika
ay bayang may hustisya't paglaya

diona, tanaga, dalit, gansal
hanguin ang salitang may busal
at mga katagang isinakdal
upang ihampas sa mga kupal

na sa bayan ay nagpapahirap
pagsasamantala'y anong saklap;
habang buhay na aandap-andap
ng dukha'y mapaunlad, malingap

tugma't sukat na di makabikig
musa ng panitik ang kaniig
kahit na nagbibilang ng pantig
ang asam: obrero'y kapitbisig

lipunang makatao'y itayo
isulat ang nadamang siphayo
simbolo ng salita'y simbuyo
ng damdami't diwang di natuyo

iyan ang niyapos kong tungkulin
sa bawat taludtod na gagawin
sa mga saknong na lilikhain
kahit sa kangkungan pa pulutin

- gregoriovbituinjr.
05.19.2022